Hataman

Hataman pinapurihan si PBBM dahil matutuloy eleksiyon sa BARMM sa 2025

Mar Rodriguez Apr 30, 2024
115 Views

PINAPURIHAN ni House Deputy Minority Leader at Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv S. Hataman si President Bongbong R. Marcos, Jr. matapos tiyakin ng Punong Ehekutibo na matutuloy ang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa susunod na taon.

Sinabi ni Hataman na ang pahayag ng Pangulong Marcos, Jr. ay nagbigay ng napakalinaw na mensahe para sa mga taga Mindanao sapagkat hindi na nila kailangang mag-agam-agam dahil malinaw ang ibinigay na mensahe ng Presidente na tuloy na tuloy ang BARMM elections.

“Malinaw na malinaw ang sinabi ni Pangulong Marcos, Jr. na tuloy na tuloy ang BARMM elections sa susunod na taon. His statement left no room for ambiguity. The people of the Bangsamoro will get an opportunity to exercise their democratic rights under the Constitution and under the Bangsamoro Organic Law,” sabi ni Hataman.

Ayon kay Hataman, ikinatutuwa nito sapagkat kinikilala ng Pangulong Marcos, Jr. ang karapatan ng mga taga-Bangsamoro region na pumili kung sino ang karapat-dapat na mamuno sa kanila.

Kung saan, iginiit ng mambabatas na ito’y napakahalagang punto sa kasaysayan ng BARMM.

“Natutuwa tayo na kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga taga-Bangsamoro region na pumili kung sino anh mamumuno sa kanila. Napakahalaga sa puntong ito sa kasaysayan ng BARMM.

This is the culmination of the people’s right to self-determination and sefl-governance that we fought for,” wika pa nito.

Nauna rito, ipinaalala ng Pangulong Marcos, Jr. sa mga mamamayan ng BARMM na bumoto sa nakatakdang eleksiyon nito sa 2025 kasunod ng ika-10 taong anibersaryo ng paglagda sa Comprehensive Agreement on Bangsamoro (CAB) na ginanap sa Barira, Maguindanao del Norte.

Dahil dito, iginiit ni Hataman ang kahalagahan ng magkaroon ng tapat at maayos na eleksiyon sa BARMM. Kasunod ng kaniyang pahayag na: “Ang Bangsamoro ay para sa Bangsamoro, hindi lamang para sa iilan. Panahon na para ang mamamayan ang sumulat ng kanilang kasaysayan”.