Gatchalian

Hearing sa labas ng Tulfo-led committee ‘di namin kikilalanin–Sen. Gatchalian

29 Views

SINABI ni Acting Senate President at Senate President Pro Tempore Sherwin “Win” Gatchalian na hindi kikilalanin ng Senado ang anumang pagdinig o imbestigasyon na gagawin sa labas ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Senador Erwin Tulfo.

“The Senate recognizes only one Blue Ribbon Committee, the one headed by Senator Erwin Tulfo. Any hearing or investigation conducted outside of this committee has no legal standing, carries no institutional authority, and will not be recognized by the Senate,” pahayag ni Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, ang imbestigasyon sa mga alegasyon ng korapsyon ay dapat isagawa sa tama at opisyal na forum ng Senado.

Hinikayat niya ang mga testigo at resource persons na humarap sa opisyal na Blue Ribbon Committee.

“Ang Senado ay nakatuon sa tunay na pag-imbestiga at pag-uusig ng korapsyon sa tamang paraan at sa tamang forum. Iyon ang aming pangako sa sambayanang Pilipino,” ani Gatchalian.

Sumunod ang pahayag ni Gatchalian sa naunang paglilinaw ni Tulfo, na tumanggi sa mga anunsyo hinggil sa umano’y Blue Ribbon hearing sa labas ng Senado at nagsabing hindi ito awtorisado ng komite.

Naapektuhan ang flood control investigation ng mga tanong tungkol sa awtoridad ng komite sa gitna ng nagpapatuloy na tunggalian sa liderato ng Senado.

Kaugnay din ng kontrobersiya ang mga testigong iniuugnay sa tinatawag na “maleta boys,” na ang mga alegasyon ay naging bahagi ng pagtatalo sa pagsasagawa ng imbestigasyon.

Ayon kay Gatchalian, ang mga testigong nais maisama ang kanilang testimonya sa kinikilalang Senate inquiry ay dapat humarap sa opisyal na Blue Ribbon Committee.