JV

Ejercito nais paimbestigahan pasyenteng hiningan ng P1M hospital deposit

30 Views

NANANAWAGAN si Sen. JV Ejercito ng imbestigasyon sa pagkamatay ng isang pasyente na, ayon sa kanyang pamilya, ay hindi napasailalim sa operasyon matapos umano silang hingan ng P1 milyong hospital deposit.

Dapat busisiin ng Department of Health at PhilHealth ang mga pangyayari sa pagkamatay ni Marvin Sulit, na nasawi noong Hunyo 4, 2026 dahil sa brain hematoma, ayon sa senador.

“Buhay ang unahin, hindi pera,” pahayag ni Ejercito.

Umani ng atensyon sa publiko ang kaso matapos ilahad ng misis ni Marvin na si Maria Lourdes Sulit sa social media na nangangailangan ng operasyon ang kanyang asawa ngunit hinarap umano sila ng pamilya sa napakalaking gastusin.

Ayon kay Sulit, sinabihan sila na aabot sa humigit-kumulang P4 milyon ang operasyon sa Manila Doctors Hospital at pinayuhan sila na ilipat si Marvin sa UERM Hospital upang mabawasan ang gastos ng halos P2 milyon.

Ngunit bago matuloy ang paglilipat o pagtanggap sa pasyente, sinabihan umano ang pamilya na kailangan muna nilang magbigay ng P1 milyong deposito.

“With time running out and no way to raise that amount immediately, we had no choice but to wait for Marvin to die,” isinulat ni Sulit.

Batay sa salaysay ng pamilya, binawian ng buhay si Marvin dakong alas-12:29 ng madaling-araw noong Hunyo 4 matapos maipasok sa ospital dakong alas-5:59 ng umaga ng nakaraang araw.

Ayon kay Ejercito, kailangang repasuhin ang insidente upang matukoy kung may paglabag sa Anti-Hospital Deposit Law na nagbabawal sa mga ospital at medical clinic na manghingi ng deposito bilang kondisyon bago magbigay ng nararapat na medical treatment and support sa emergency o serious cases.

Layunin ng batas na maiwasan ang pagkaantala ng emergency care dahil lamang sa kawalan ng kakayahang magbayad agad ang pasyente o kanyang pamilya.

Kinuwestiyon din ni Ejercito kung bakit umano hindi pinayagang magamit ang PhilHealth benefits ng pasyente matapos itong pumanaw.

Ayon kay Sulit, humingi siya ng tulong sa PhilHealth matapos umabot sa humigit-kumulang P200,000 ang hospital bill sa loob ng wala pang 24 oras, ngunit sinabihan umano siya na hindi kwalipikado ang kanyang asawa dahil na-confine ito nang mas mababa sa 24 oras.

“My husband had just died. How could he not be eligible?” ani Sulit.

Sinabi ni Sulit na mahigit 25 taon nang miyembro ng PhilHealth si Marvin at tapat na naghulog ng kontribusyon sa buong panahon ng kanyang pagtatrabaho.

Sinabi ng senador na dapat patawan ng kaukulang parusa ang sinumang ospital na mapatutunayang nagpaantala o tumangging magbigay ng nararapat na emergency care, o nanghingi ng bayad bilang kondisyon bago gamutin ang pasyente, alinsunod sa batas.

Muling binuksan ng insidente ang mga tanong tungkol sa hospital admission practices, emergency care protocols, patakaran ng PhilHealth, at tunay na proteksyong ibinibigay sa mga pasyente sa ilalim ng Universal Health Care Act.

Ayon kay Ejercito, hindi dapat balewalain ang kasong ito dahil ipinapakita nito ang pinagdaraanan ng mga pamilyang sabay na hinaharap ang matinding bayarin sa ospital habang desperadong sinusubukang iligtas ang buhay ng kanilang mahal sa buhay.