Calendar
Pangilinan nanawagan na ipasa ang anti-scalping bill
NANAWAGAN si Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na ipasa na ang panukalang Anti-Scalping Act sa gitna ng mga ulat tungkol sa mataas na resale prices ng BTS concert tickets.
Ipinakikita ng mga ulat ang pangangailangang i-regulate ang ticket resale practices lalo na sa malalaking event na mataas ang demand sa tickets.
Sa ilalim ng panukala, maaaring patawan ng parusa ang sinumang magbebenta muli ng tickets nang lampas sa itinakdang regulated price.
Layunin din ng panukala na palakasin ang pananagutan ng ticketing platforms at event organizers sa pamamagitan ng mas mahigpit na monitoring at enforcement mechanisms.
Sinabi ni Pangilinan na maraming fans ang nag-iipon para makabili ng tickets at pumipila sa official ticketing platforms.
Ayon sa senador, layunin din ng panukalang batas na tugunan ang resale practices na may kinalaman sa pagbebenta ng tickets sa labas ng itinakdang regulated price at gawing mas accountable ang ticket-selling systems.
Saklaw ng panukalang batas ang ticket resale sa concerts at iba pang events kung saan binibili ang tickets sa official platforms ngunit muling ibinebenta sa mas mataas na presyo.
Sinabi ni Pangilinan na kailangang aksyunan ang panukala habang patuloy na lumilitaw ang mga reklamo ng concertgoers tungkol sa ticket reselling.
