Highlight ng NHA caravan sa Bulacan: Pamimigay ng CELA, TCTs

Jun I Legaspi Nov 9, 2024
48 Views

NAMIGAY ang National Housing Authority (NHA) ng Certificates of Eligibility of Lot Award (CELA) sa 101 mga benepisyaryo at 95 Transfer of Certificates of Title (TCTs) sa mga benepisyaryong bayad na sa mga ibinigay sa kanilang pabahay sa Housing Caravan: Asensong Ramdam sa San Jose del Monte convention center sa Bulacan.

Ang pamimigay ng CELA at TCTs ang highlight ng apat na araw na caravan noong Nobyembre 4-7.

Pinangunahan ni NHA General Manager Joeben Tai, Assistant General Manager Alvin Feliciano, Region III Manager Minerva Calantuan at Bulacan OIC District Manager Engr. Leonora M. Danganan ang event-caravan.

“Kaya po nagsasagawa tayo ng mga hakbanging katulad nito para makatulong na bigyang kulay at katuparan ang isa sa mga ninanais ng ating mahal na Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na magkaroon ng isang progresibo at matiwasay na pamumuhay ang ating mga kababayan para sa isang Bagong Pilipinas,” sabi ni GM Tai.

Ginhawa’t saya ang hatid ng caravan sa mga nakatanggap ng TCT, lalo na kay Josemillo Pajaganas ng Sapang Palay Resettlement Project.

“Nagpapasalamat ako ng marami sa NHA dahil naibigay na sa akin ‘yung titulong inaasam ko,” banggit ni Josemillo.

Isang inisyatiba ni House Committee on Housing and Urban Development Chairperson Rep. Florida Robes ang Housing Caravan upang ilapit ang mga serbisyong pabahay sa mga residente ng San Jose del Monte.

Bukod sa NHA, dumalo rin sa event ang iba pang Housing Key Shelter Agencies (KSAs) tulad ng Home Development Mutual (Pag-IBIG) Fund at Social Housing Finance Corporation (SHFC).