Magsino

Hiling ng OFW Party List: Palawakin imbestigasyon vs tiwaling opisyal ng BI na sangkot sa illegal recruitment

Mar Rodriguez Mar 27, 2023
351 Views

IGINIGIIT ng Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Group sa Kamara de Representantes na kailangang mas lalo pang palawakin ang imbestigasyon kaugnay sa talamak na sabwatan sa pagitan ng mga Pilipinong pasahero at ilang tiwaling opisyal ng Bureau of Immigration (BI).

Ipinaliwanag ni Overseas Filipino Workers (OFW) Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino na kinakailangang imbestigahan at mapatawan ng kaukulang parusa ang mga corrupt officials ng Immigration Department matapos sumambulat ang panibagong eskandalo sa nasabing ahensiya.

Ang pahayag ni Magsino ay kaugnay sa sinasabing “organisadong estilo” ngayon sa BI para sa pagpapalabas ng mga Pilipino papuntang Cambodia. Makaraang mabisto ang modus-operandi sa loob ng Clark International Airport na kinasasangkutan ni Immigration Officer 1 Alma Grace Ambrocio David.

Bunsod ng pangyayaring ito, binigyang diin ni Magsino na matagal na aniya siyang naninindigan upang labanan ang palasak na illegal recruitment at human trafficking sa bansa bago pa man siya pumasok sa politika at magsilbi bilang kinatawan ng OFW Party List Group sa Kongreso.

Sinabi ng kongresista na sa kabila ng itinatag nilang Anti-Trafficking OFW Movement (ATOM) na pinasinayahan pa mismo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para maprotektahan ang mga OFW’s. Nakakadismaya aniya na nagpapatuloy pa rin ang talamak na illegal reccruitment at human trafficking sa Pilipinas.

Ayon pa kay Magsino, ang mas lalong nakakahiya at nakakadismaya ang mga napapabalitang ang sangkot umano sa ganitong masamang kalakaran ay ang mismong mga tiwaling tauhan at opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na itinuturing na sindikato sa loob ng ahenisya.

“Nakakadismaya kapag ating nababalitaan na mga empleyado pa ng gobyerno ang umano’y kasabwat ng mga sindikato upang madala ang ating mga kababayan sa panganib dulot ng illegal recruitment at human trafficking. Kaya’t dapat imbestigahan at parusahan ang lahat sangkot sa modus na ito,” paliwanag ni Magsino.