Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino

Hinanaing ng mga gurong OFWs sa UAE aaksiyunan ni Magsino

Mar Rodriguez Apr 27, 2025
21 Views

NAKATAKDANG aksiyunan ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang hinanaing ng mga gurong Overseas Filipino Workers (OFWs) sa United Arab Emirates (UAE) kaugnay sa kakarampot nilang buwanang sahod.

Dahil dito, isinusulong ni Magsino ang pagkakaroon ng standardized at makatarungang sahod para sa mga OFWs sa UAE kasunod ng natanggap nitong impormasyon kaugnay sa mababang pasahod para sa mga nasabing teachers na hindi naman tumutugon sa pamantayan ng Pilipinas at UAE.

Sabi ni Magsino na sa pamamagitan ng isinagawang konsultasyon, inilapit ng mga gurong OFWs sa naturang bansa ang kanilang hinanaing patungkol sa pagtanggap ng ilan sa kanila ng buwanang sahod na umaabot lamang sa 1,000 Dirhams o humigit kumulang sa P15,420 na hamak na mas mababa pa sa minimum salary ng mga guro sa Pilipinas na nasa P19, 000 hanggang P27,000 kasa buwan.

Ipinahayag ni Magsino ang kaniyang labis na pagkabahala sa kalagayang ito ng mga gurong OFWs na hindi tumutugma sa antas ng propesyon ng pagtuturo at mistulang pagkakait ng pagkilala sa mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kabataan at komunidad sa UAE.

Bilang tugon sa problemang ito, lumiham na ang kongresista kay Department of Foreign Affairs (DFA) Sec. Enrique Manalo at Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac upang hikayatin ang dalawang ahensiya na maglatag ng mga hakbang para sa pagkakaroon ng standardized na sahod para sa mga gurong OFWs sa UAE.

Isa sa mga iminumungkahing hakbang ni Magsino ay ang pagbubuo ng isang bilateral labor aggreement sa pagitan ng Pilipinas at UAE.

Dapat isa-alang alang sa pagtatakda ng sahod ang iba’t-ibang factor gaua ng uri ng paaralan – pribado man o pampubliko – asignaturang itinuturo at karanasan o kuwalipikasyon ng isang guro.