Calendar
Hindi malapitan si Malapitan
DISMAYADO raw ang kampo ni presidential bet Isko Moreno matapos kanselahin ni Caloocan Mayor Oca Malapitan ang permit ng campaign motorcade nito nitong unang araw ng Marso. Maagang naisaayos ng kampo nila Moreno ang nasabing permit sa city hall ng Caloocan, sa pangunguna ni Aksyon Demokratiko campaign strategist Lito Banayo, ilang araw bago pa ang nasabing motorcade.
Ayon sa impormante, kung kailan malapit at kinabukasan na ang motorcade, biglaan na lamang binawi ni Malapitan ang permit para dito sa dahilang bubugso daw ang trapik sa buong Caloocan dahil sumailalim na ang Metro Manila sa COVID-19 Alert Level 1. Kinabigla ito nila Moreno dahil maayos nilang inilapit ang permit kila Malapitan para magkaroon ng patas, makabuluhan, at masaya na panunuyo sa mga botante at mga supporters nito sa Caloocan.
Hindi man katanggap-tanggap ang ginawa ni Malapitan na ngayon ay tatakbong congressman ng lungsod pero taas noo at kalmadong nagpahayag ng saloobin si Moreno para sa mga sumusuporta sa kanya sa Caloocan. “Bibigyan ko ng laya ang taumbayan na makapili ng taong iboboto. Kaya para sa lahat ng mga kandidato, sa Maynila welcome kayo!” ang ani ni Moreno. Dagdag pa niya, hinding-hindi nila hihingan ng permit ang kahit anong campaign related activities ng mga tatakbo sa eleksyon sa Maynila.
Hindi pa din maitatanggi na galit na galit ang masa dahil sa trapong istilo nila Malapitan laban kila Moreno. Matatandaan na pinayagan ni Malapitan magkaroon ng caravan sila BBM at Sara noong ikalawang linggo ng Pebrero kung saan nasa ilalim pa ng COVID Alert Level 2 ang Metro Manila. Siksikan at sobrang bigat ng trapiko sa Caloocan noong panahon na iyon ngunit hindi naman ito ininda ni Malapitan.
Maraming tumutol sa ginawa ni Malapitan kila Isko Moreno at Doc Willie Ong, mala “No Permit, No Entry” na ang mga kandidatong naglalayon ng malinis na eleksyon sa bansa. Maraming napapaisip na maaaring ang pagkansila ng permit ay dahil sa pagtakbo ng katunggali ni Malapitan na si Edgar Erice sa partido ni Moreno bilang Congressman ng Caloocan. Nagtataka din ang marami na maaaring natatakot sila Malapitan dahil makilala ng mga taga-Caloocan ang bagong istilo ng pamumuno ni Erice na hindi hamak na mas mabuti ang plataporma kaysa sa kanyang mga katunggali.
Masalimuot man ang pagtrato sa Caloocan, welcome na welcome naman sila Moreno sa Malabon. Ipinakita ng mga nakaupong pinuno ng Malabon ang tamang istilo ng pamumuno na maaring ikaangat nila sa eleksyon. Magkalaban man o katunggali, dapat patas at bukas palad ng mga nakaupo para sa lahat ng kandidatong manunuyo sa taong bayan.
Samantala itinanggi ng City Administration ng Caloocan City na si Engr. Oliver Hernandez na ‘politically motivated’ ang pagbawi sa permit para sa motorcade ng Aksyon Demokratiko.
“Lahat ay welcome sa lungsod ng Caloocan, as long as they comply with all the requirements and guidelines,” ani Hernandez.
Ayon kay CA, nakarating sa kanilang tanggapan ang aplikasyon ng permit ng Aksyon Demokratiko para magsagawa ng Motorcade at Political Rally/Forum o assembly mag-aalas-singko ng hapon noong Pebrero 24, 2002.
Ipinadala ito sa pamamagitan ng ipinadalang e-mail ng coordinator/authorized representative ng Aksyon Demokratiko na si Mr. Carlo Religioso.
Ang sumunod na araw ay holiday kaya Lunes na nang suriin ang mga requirement ng organizer at inihanda ang kinakailangang permit.Bilang bahagi ng normal na proseso para sa issuance ng permit sa motorcade, ipinapadala ang kopya nito sa PNP Caloocan, DPSTM-Caloocan at MMDA, kapag ang mga lugar na daraanan ay mga national roads na sakop o nasa ilalim ng hurisdiksyon ng MMDA.
Halos karamihan sa ruta ng motorcade ng Aksyon Demokratiko ay mga pangunahing kalsada sa NCR kaya kailangan ng awtorisasyon ng MMDA.
Nalaman ni Hernandez sa MMDA na walang aplikasyon ng permit ang Aksyon Demokratiko sa ahensya.
Kaya ito rin ang dahilan kung bakit kinansela ni Hernandez ang inisyal na permit para sa motorcade.
Abangan ang mga susunod na kabanata. Popcorn please!