Ridon1

Hindi nasasayang ang pondo ng gobyerno sa impeachment ni VP Sara — Ridon

Mar Rodriguez Jul 20, 2026
160 Views

PINABULAANAN ni House prosecutor at Bicol Saro Party List Rep. Terry Ridon ang mga nagkalat na post sa social media na diumano’y naaaksaya lamang ang pondo ng gobyerno sa isinasagawang Senate impeachment laban kay Vice President Sara Z. Duterte.

Binigyang linaw ng kongresista na ang proseso ng impeachment ay pagtalima sa mandato ng Saligang Batas sa layuning papanagutin ang sinomang matataas na opisyal ng pamahalaan na nakakagawa ng pagkakasala.

“Hindi tayo nagsasayang ng pera para dito dahil ito po ay proseso ng pagpapanagot ng mga matataas pong opisyal ng pamahalaan,” ang pahayag ni Ridon.

Iginigiit ni Ridon na hindi dapat basta maniwala ang mamamayang Pilipino sa mga nakikita nila sa social media na lantarang sumisira sa proseso ng impeachment na isang uri ng panlilinlang.

“Una sa lahat, constitutional pong proseso ito. Kumbaga in the same manner na pinopondohan ho natin ang pagkakaroon ng mga committee meetings, plenary sessions ng Kongreso at Senado, ganun din po ‘yun. Yun po ang dahilan bakit pinopondohan po ng bayan ‘yung ganito pong mga gawain at gampanin,” sabi ni Ridon.

Ayon kay Ridon hindi humingi ng dagdag na pondo at Senado mula sa gobyerno para sa impeachment proceedings.

“Wala naman hong dagdag na pondo na ginagamit dito po sa paggugol ng trabaho para sa impeachment proceedings, whether ng Kongreso at Senado. Hindi ho humihingi ng dagdag na pondo mula sa kabangbayan para ho magkaroon ng impeachment proceedings,” dagdag pa ng mambabatas.

Sinabi pa ng kongresista na hindi rin totoo na pwedeng basta na lamang ibigay ng Senado at Kamara ang pondo nito sa ibang ahensya gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para itulong sa mga nangangailangan.

“Hindi rin naman ho pwedeng ibigay sa DSWD ‘yun pong naitakda na pong pondo para sa Kongreso at Senado,” paliwanag ni Ridon.