Tulfo Umapela si Sen Erwin Tulfo sa mga kasamahan niyang senators judge na huwag gamitin ang impeachment court sa kanilang mga personal ma problema upang hindi masayang ang oras ng korte nitong Hulyo 20, 2026. Samantala, pinapakita ni Sen. Robin Padilla ang original copies ng sagot niya sa Ombudsman tungkol sa subpoena sa kanya. Kuha ni JOSEPH MUEGO

TULFO SA SENATOR-JUDGES: HUWAG GAMITING LABASAN NG PERSONAL NA HINANAKIT ANG IMPEACHMENT COURT

159 Views

RobinHINILING ni Senador Erwin Tulfo sa impeachment court na limitahan ang personal manifestations ng mga senator-judge matapos aniya’y lumipas ang 26 minuto bago nagsimula ang paglilitis kay Vice President Sara Duterte.

“We wasted 26 minutes for nothing,” sinabi ni Tulfo habang hinihimok ang korte na tumuloy na sa pagdinig.

Nagsimula ang pagtatalo matapos magbigay ng manifestation si Senador Robinhood Padilla upang pabulaanan ang pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na hindi umano siya tumugon sa obstruction of justice complaint laban sa kanya.

Kaugnay ang reklamo sa alegasyong may papel si Padilla sa iniulat na pagtakas ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa mula sa mga awtoridad.

Sinabi ni Padilla na ipinadala niya sa Ombudsman sa pamamagitan ng koreo ang kanyang counter-affidavit, o pormal na sagot sa mga paratang.

Ipinakita rin niya sa impeachment court ang isang dokumentong aniya’y patunay na naipadala ang kanyang tugon. Hiniling niyang maisama sa rekord ng korte ang kanyang paglilinaw.

Tumutol si Tulfo at sinabing hindi dapat gamitin ang impeachment court upang sagutin ng mga senador ang hiwalay na reklamo o paratang laban sa kanila na walang kaugnayan sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte. Aniya, maaari nilang talakayin ang mga naturang usapin sa ibang pagkakataon at sa naaangkop na forum, gaya ng regular na sesyon ng Senado.

“This court was established, was created, for the Vice President and the Vice President only. This should be her time, this should be her forum. Not our forum here na ilabas natin ang saloobin natin, mga sagot natin sa mga akusasyon, at mga kaso laban sa atin,” sinabi niya.

Iginiit niyang dapat gamitin ang oras ng korte sa pagdinig sa mga paratang laban sa bise presidente at sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataong maiharap ang kanyang depensa.

Nagbigay si Tulfo ng halimbawa ng isang personal na reklamong wala umanong lugar sa paglilitis.

“‘Namatay ang aso ko kahapon dahil hindi dumating ang ambulansiya.’ This is not the proper place to rant,” sinabi niya.

Sinuportahan nina Senador Francis “Kiko” Pangilinan at Senador Vicente “Tito” Sotto III ang panawagang manatiling nakatuon ang paglilitis sa kaso laban kay Duterte.

“Let us not abuse the liberality of the impeachment court,” sinabi ni Pangilinan.

Ayon sa kanya, maaaring ilahad ng mga senador ang kanilang personal na hinaing kapag nagpupulong ang Senado bilang regular na kapulungan.

Binanggit din ni Pangilinan ang naunang pangyayari na kinasasangkutan ng yumaong dating Senador Rene Cayetano, na ang manifestation sa isang impeachment proceeding ay ini-refer umano sa Senado bilang legislative body.

Ipinagtanggol naman ni Senador Alan Peter Cayetano si Padilla. Sinabi niyang dapat pahintulutang tumugon ang senator-judges kapag naniniwala silang hindi makatarungang inaakusahan o pinagbabantaan.

“Kwe-kwestyunin ninyo si Senator Padilla, it was all over the news na hindi niya inintindi or he snubbed the Ombudsman… Senator Padilla just stood up to say sumusunod sya sa batas,” sinabi ni Cayetano.

Binanggit din niya ang isang pahayag na iniugnay sa yumaong dating Senador Joker Arroyo.

“Regarding the waste of time here, sabi ni senator Joker Arroyo, ‘It is useless to argue a legal point with a non-lawyer.’ When Senator Marcoleta brought that up here, nagkaroon ng commotion. Senator Miriam [Santiago] stood up here many times and said, ‘Kaya ka nga nag fo-four years na law school at nag ba-bar,’” sinabi ni Cayetano.

Hiniling ni Tulfo sa impeachment court na maglabas ng matibay na pasya upang hindi magamit ang paglilitis para sa mga personal na reklamo at alitan.