Diokno2 Idiniin ni House prosecutor Rep. Chel Diokno ang request ng prosecution panel na hindi fishing expedition ang paghiling sa tax, AMLC at bank records ni Bise Presidente Sara Z. Duterte sa ika- pitong araw ng impeachment trial nitong Hulyo 20, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

DIOKNO PINABULAANAN NA MAY FISHING EXPEDITION

161 Views

Diokno3PINABULAANAN ni House prosecutor at Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno nitong Lunes ang alegasyon na ang kahilingan ng prosekusyon para sa mga rekord sa bangko, buwis at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay isang “fishing expedition.”

Sinabi niya sa Senado bilang impeachment court na ang mga hinihinging subpoena ay nakabatay sa mga ebidensiyang naiharap na sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte.

Sa oral arguments, sinabi ni Diokno na malinaw nang nakasaad sa Articles of Impeachment ang mahahalagang katotohanang sumusuporta sa paratang ng hindi maipaliwanag na yaman, habang ang mga kasunod na pahina ay naglalaman ng mga ebidensiyang sumusuporta rito.

“Malayo po ang fishing expedition sa ginagawa ng prosekusyon. Ang argumentong ito ay wala pong matibay na batayan,” ani Diokno.

Binasa niya ang mga paratang sa Article II na nagsasaad na si Duterte ay umano’y lumabag sa Konstitusyon at nagtaksil sa tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman na hindi naaayon sa kanyang legal na kita, hindi umano ganap na pagdedeklara ng kanyang mga ari-arian at pananagutan sa kanyang SALN mula 2022 hanggang 2024, at hindi umano pagtalikod sa kanyang mga interes sa negosyo habang nagsisilbing bise presidente.

Ipinaliwanag ni Diokno na ang “ultimate facts” ay ang mahahalagang elemento ng katotohanang bumubuo sa batayan ng isang kaso o depensa. Aniya, natugunan ng prosekusyon ang rekisitong ito sa mga paratang tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman.

Iginiit niya na ang kahilingan para sa karagdagang mga rekord na pinansyal ay nakabatay sa mga umiiral nang ebidensiya at hindi sa panghuhula.

Aniya, ang tunay na “fishing expedition” ay ang paghiling ng subpoena nang walang anumang batayan, umaasang may makikitang ebidensiya.

Itinuro niya ang naging testimonya ng executive director ng AMLC sa pagdinig ng House Committee on Justice, kung saan iniharap umano ang mga dokumentong nagpapakitang may humigit-kumulang ₱6.7 bilyong dumaan sa account ni Vice President Sara Duterte mula 2007 hanggang sa kasalukuyan.

Idinagdag pa niya na ipinakita rin umano sa ulat ng AMLC na mahigit ₱3 bilyon ang dumaan sa mga account ni Duterte mula 2007 hanggang 2013, noong siya ay alkalde at bise alkalde.

“May batayan tayo para hingin ang mga bank records. Hindi tayo nanghuhula dahil mismong AMLC ang nagkumpirma na may mga covered at suspicious transaction reports na isinumite sa kanila,” aniya.

Muli ring sinabi ni Diokno na ayon sa mga desisyon ng Korte Suprema sa mga kasong may kinalaman sa hindi maipaliwanag na yaman, kailangang suriin ang buong panahon ng panunungkulan ng isang opisyal at hindi lamang ang ilang piling dokumento.

Pinabulaanan din niya ang argumento ng depensa na hindi maaaring gamitin ang mga rekord ng AMLC dahil sa “fruit of the poisonous tree” doctrine.

Ayon kay Diokno, ang Section 8(a) ng Anti-Money Laundering Act ay nilalayong pigilan ang hindi awtorisadong pagbubunyag ng impormasyon ng mga opisyal ng AMLC at hindi upang hadlangan ang pagsunod sa mga subpoena na inisyu ng hukuman.

Aniya, regular na naglalabas ng subpoena ang Sandiganbayan para sa mga rekord ng AMLC at palaging sumusunod dito ang konseho nang walang pagtutol.

“Ganoon din ang impeachment court. Ang subpoena na inilalabas nito ay para sa layuning matukoy ang pananagutan alinsunod sa kapangyarihang malinaw na ipinagkaloob ng Konstitusyon,” ani Diokno.

“Ang aming paniniwala ay hindi maaaring manaig ang pagiging kumpidensyal kaysa sa pananagutan,” pagtatapos niya.