Calendar
DIOKNO: HILING SA RECORDS NI VP SARA DI FISHING EXPEDITION
IGINIIT ni House prosecutor Chel Diokno na hindi fishing expedition ang kahilingan na ipatawag ang mga financial record na inuugnay sa unexplained-wealth charge laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi niyang natukoy ng prosekusyon ang mga dokumentong nais nitong makuha at ipinaliwanag kung bakit may kaugnayan ang mga ito sa kaso.
“We have both reached the standard of relevance and materiality,” sinabi ni Diokno sa mga senator-judge.
Aniya, hindi humihingi ang prosekusyon ng walang limitasyong access sa mga financial record ni Duterte.
“Only particular documents that we are requiring, which we have satisfied due to the reasons cited,” aniya.
Katwiran din ni Diokno, kung maaaring atasan ng Sandiganbayan ang Anti-Money Laundering Council na magsumite ng records na kailangan sa isang kaso, dapat ding makakuha ang Senate impeachment court ng mga dokumentong may kaugnayan sa paglilitis sa isang mataas na opisyal.
Binanggit niya ang isang kaso kung saan ipinatawag ng Sandiganbayan ang mga kinatawan ng AMLC at ipinasa ang mga bank record na kailangan sa proceedings.
Para kay Diokno, maaari ring mag-utos ang impeachment court ng pagsusumite ng partikular na records kapag naipakita ang relevance at legal na batayan ng kahilingan.
Nilinaw naman niyang hindi awtomatikong magiging admissible bilang ebidensya ang lahat ng dokumentong ipasasumite.
“The defense will have every opportunity to make objections if and when particular exhibits or documents are identified by a witness and offered in evidence,” sinabi ni Diokno.
Binanggit din niya ang desisyon ng Korte Suprema sa Republic of the Philippines v. Lt. Col. George Rabusa, isang unexplained-wealth case kung saan hindi sinang-ayunan ng hukuman ang pananaw na fishing expedition lamang ang pagsusuri sa mga bank account.
“This Court cannot agree with the Court of Appeals’ supposition that the examination of the respondents’ bank accounts was but a mere fishing expedition to pin liability on them,” pagbasa ni Diokno sa desisyon.
Ayon sa kanya, sinusuportahan ng ruling ang posisyon ng prosekusyon na maaaring hingin ang financial records kapag nakaugnay ang mga ito sa isang partikular na alegasyon ng unexplained wealth.
Ipinaliwanag din ni Diokno ang pagkakaiba ng subpoena at search warrant.
Ang subpoena ay nag-uutos sa isang tao o institusyon na magsumite ng tinukoy na records sa hukuman. Ang search warrant naman ay nagpapahintulot sa mga awtoridad na maghalughog sa isang partikular na lugar para sa mga bagay na nakasaad dito.
Iginiit ng depensa na hindi awtomatikong inaalis ng impeachment ang mga proteksyong itinatakda ng batas para sa bank deposits, tax information at AMLC records.
Nagbabala si defense lawyer Michael Poa laban sa paggamit sa impeachment bilang malawak na kapangyarihan upang makuha ang confidential documents.
“Impeachment is indeed a powerful constitutional tool. But your honors, impeachment is not a magic word or a magic wand that one can just wave to transform an illegal act into a legal act,” sinabi ni Poa.
Tugon ni Diokno, hindi dapat maging sapat na dahilan ang confidentiality upang hadlangan ang hukuman sa pagkuha ng records na nakatutugon sa pamantayan ng relevance at materiality.
“Madaling sabihin na confidential ang ilang impormasyon at dokumento, madaling magturo ng batas. Pero ang hinahanap ng Impeachment Court ngayon, at sa mga susunod na araw, linggo, at buwan, ay ang katotohanan, at ang layunin ay makamit ang pananagutan,” aniya.
“Confidentiality should not be the prevailing principle in this proceeding. Hindi confidential ang katotohanan.”
Pagpapasyahan pa ng mga senator-judge kung sapat na natukoy ng prosekusyon ang mga records at kung may legal na batayan upang ipasumite ang mga ito.
Ang magiging ruling ay tungkol lamang sa pagkuha ng mga dokumento. Hindi pa nito awtomatikong mapatutunayan ang alegasyon ng unexplained wealth o mapagpapasyahan kung tatanggapin bilang ebidensya ang mga ito.

