Sara

Prosecution: Pagsusuri sa mga dokumentong pinansyal ni VP Duterte makabubuti sa lahat ng panig

125 Views

NANINIWALA ang House prosecution panel na ang pagkuha, pagbubukas at pagsusuri sa mga bank records, tax records at iba pang dokumentong pinansyal ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte at ng kanyang asawang si Manases Carpio ay makabubuti sa lahat ng panig, kabilang ang depensa, sa nagpapatuloy na impeachment trial ng ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Sinabi ni House trial spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na napakahalaga ng mga dokumentong hinihiling sa Senate Impeachment Court upang magkaroon ang mga Senator-Judge ng tumpak na batayan at sanggunian sa pagbuo ng isang makatarungan at walang kinikilingang pasya sa kaso.

Ayon kay Alonto Adiong, lumalakas ang panawagan ng publiko na magpalabas ang impeachment court ng mga subpoena para sa mga bank records, tax records at mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng Bise Presidente at ng kanyang asawa dahil nais nilang malaman ang buong katotohanan hinggil sa mga paratang ng hindi maipaliwanag na yaman laban kay Duterte.

“Ang gusto ng taongbayan ay napakasimple—ang katotohanan. Kailangan ding mabigyan ng pagkakataon ang impeachment court na masuri at makita ang lahat ng kinakailangang ebidensiya upang ang magiging hatol nila ay kumpleto at hindi nakabatay sa mga haka-haka,” ani Alonto Adiong sa isinagawang press conference sa Senado nitong Lunes.

“Hindi lamang ito pabor sa prosekusyon, maaari rin itong pabor sa depensa. Hindi lamang ito usapin ng pananagutan o ng paghatol. Ang tanong ay kung karapat-dapat bang malaman ng taumbayan ang katotohanan, ang buong katotohanan at wala nang iba kundi ang katotohanan. Ang tanging paraan upang mangyari iyon ay kung magkakaroon din ng access ang hukuman sa mga dokumentong ito. Mahalaga ito upang makapaglabas sila ng patas at walang kinikilingang pasya,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Atty. Benjamin Tolosa Jr., counsel ng House panel of prosecutors, na ang kasalukuyang pinag-uusapan ay ang paglalahad pa lamang ng mga ebidensiya at hindi pa ang paghatol sa kaso.

Ayon kay Tolosa, ang kahilingan na makuha ang mga dokumento ay magbibigay ng pagkakataon sa kapwa prosekusyon at depensa na suriin ang mga ito at maipaliwanag sa publiko ang tunay at kumpletong kalagayang pinansyal ng Bise Presidente.

Aniya, makatutulong ang mga dokumentong ito upang mailantad ang katotohanan kaugnay ng isyu ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman ng Bise Presidente, gaya ng nakasaad sa Article II ng Articles of Impeachment, na inaasahang tatalakayin sa pinakamaagang pagkakataon sa Miyerkules.

“Ipinakita ng mga rekord ng AMLC na ang Bise Presidente at ang kanyang asawa ay nagkaroon ng mga transaksiyong pinansyal na umabot sa ₱6.7 bilyon. Tandaan natin na sa SALN ng Bise Presidente, ang idineklarang kabuuang net worth ay ₱80 milyon lamang,” ani Tolosa.

Sinabi rin ni Tolosa na dapat tanggapin ng depensa ang masusing pagsusuri sa mga dokumentong ito upang mapatunayan ang pagiging inosente ng Bise Presidente, kung totoo ngang nagkaroon lamang ng maling interpretasyon sa mga rekord, gaya ng kanilang ipinapahayag.

“Kung iyon ang kanilang depensa, hindi ba makabubuti para sa lahat, lalo na sa kanila, na mabuksan ang mga bank records na ito upang minsan at magpakailanman ay malinawan kung magkano talaga ang laman ng kanyang mga bank account? Makakatulong ito sa lahat, lalo na sa kanila, kung iyan ang kanilang posisyon upang mapatunayan na talagang wala silang pananagutan sa mga paratang na ito,” ani Tolosa.