DOT

Hindi sumunod sa kasunduan, DOT kinansela kontrata para sa tourism branding campaign

172 Views

MATAPOS aminin na kinuha lamang ang ilang litrato na ginamit sa audio visual presentation (AVP) sa stock footage, tuluyan ng kinansela ng Department of Tourism ang kontrata nito sa DDB Philippines.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOT na nakikiisa ang ahensya sa publiko sa pagpapahayag ng galit at pagkadismaya sa ginawa ng DDB Philippines, na nakakuha ng kontrata para sa tourism branding campaign ng bansa.

Nakasaad umano sa tourism branding campaign contract ng DOT sa DDB Philippines na lahat ng materyales na gagamitin ng mananalong bidder ay dapat orihinal at akma sa adbokasiya ng DOT.

“The DOT reserves the right to change, suspend, or discontinue temporarily or permanently the contract at any time should the DOT deem the agency incapable of the project,” sabi sa kontrata.

Humingi ng paumanhin ang DDB Philippines at inako ang responsibilidad sa paggamit ng mga hindi orihinal na materyales para sa AVP na inilabas nito kaugnay ng bagong promotional campaign ng DOT.

Wala umanong ibinayad ang DOT sa DDB sa ilalim ng tourism branding campaign contract.

Iginiit din ng DOT na patuloy itong gagawa ng mga hakbang upang maiangat ang turismo ng bansa at maenganyo ang mga turista na bumisita sa Pilipinas.