Hindi tamang pananalita

201 Views

HINDI ikinatuwa ng maraming netizens ang pasaring ni Vice President at Education Sec. Sara Duterte nitong nakalipas na araw ng Linggo na parang sumasayaw pa sa isang video.

ungkol ito sa selfie post ni Duterte sa Instagram account na may caption: “Sa imong ambisyon, do not be tambaloslos” na inilabas matapos pumutok ang destabilisasyon sa liderato ng Kamara de Representantes na mariing itinanggi naman ng kanyang kaalyadong si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Deputy Speaker ngayon.

Isang mythical creature ang Tambaloslos na mayroong malaking bibig at ari at isang Visayan o Cebuano slang para sa isang taong puro daldal lamang at wala talagang kakayahan.

Bagama’t hindi tinukoy kung sino ang pinatungkulan, malinaw naman na hindi angkop para sa katulad ni VP Duterte ang nasabing pananalita.

Hindi lamang siya VP kundi kalihim pa ng DepEd na dapat laging nagpapakita ng magandang ehemplo sa publiko, lalong-lalo na sa mga bata.

Negatibo talaga ang dating ng pahayag ni VP Sara lalo’t maraming mga problema ang dapat na mas tutukan pa nito sa DepEd upang maresolba.

Kabilang dito ang kakulangan sa silid-aralan, pagkakabenta umano ng laptops sa retail stores na dapat sanang pinakikinabangan ng mga pampublikong guro, pagbibigay ng performance based bonus (PBB), pagkuha sa serbisyo ng karagdagang mga guro at iba pa.

Sa salip na walang kuwentang pahayag, aksiyon talaga ngayon ang kailangang ipakita ng mga katulad ni Duterte na isang mataas na opisyal ng bansa upang harapin ang ibat-ibang hamon at krisis sa trabaho hindi lamang bilang VP kundi maging kalihim ng DepEd.