Pic2

Hinimok ng House panel sina Marcoleta na repasuhin amga tuntunin sa gitna ng mga tanong sa proseso ng impeachment

111 Views

PINAYUHAN noong Miyerkules ng mga miyembro ng House Committee on Justice ang kanilang mga kasamahan na muling balikan ang mga tuntunin ng komite hinggil sa mga paglilitis ng impeachment, kasunod ng mga tanong na ibinangon sa pagdinig ni SAGIP Party-list Rep. Paolo Henry M. Marcoleta, na hindi miyembro ng komite.

Ayon kay House Committee on Public Accounts Chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list, makabubuting ang mga nagbibigay ng komento sa mga paglilitis ay ginagabayan ng mga umiiral na tuntunin.

“At sa tingin ko, kailangan muna niyang (Rep. Marcoleta) repasuhin ang mga tuntunin bago magbigay ng mga komentaryo sa komite,” pahayag ni Ridon, isang abogado at miyembro ng House Committee on Justice, sa mga mamamahayag sa isang press conference.

Hinimok din ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua ng Maynila ang parehong mga miyembro at hindi miyembro na maglaan ng oras upang pag-aralan ang mga pamamaraan upang maging malinaw ang mga talakayan.

“Hinihikayat ko ang lahat ng miyembro, pati na ang mga hindi miyembro, na sana ay basahin natin ang mga tuntunin upang hindi tayo nalilito at maiwasan ang mga tanong na malinaw naman na nakasaad sa ating mga patakaran,” ani Chua, na isa ring abogado at miyembro ng House Committee on Justice, sa pagdinig noong Miyerkules.

Ipinahayag din ni House Committee on Justice Chair Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas ang kaparehong pananaw, at binigyang-diin na ang mga hakbang ng komite ay naaayon sa mga itinakdang tuntunin.

“Marahil kailangan nating bigyan si (Rep. Marcoleta) ng kopya ng mga tuntunin. Pakitingnan ang mga patakaran sa impeachment dahil ang lahat ng sinasabi ko ay mahigpit na naaayon sa mga probisyon ng mga ito,” ani Luistro.

Si Marcoleta naman ay nagbanggit ng isang usaping pang-proseso sa pagdinig at nagtanong: “Madam, hindi ba dapat natukoy muna natin ang kasapatan sa batayan bago tayo bumoto sa kasapatan sa anyo at nilalaman, dahil bumoto na tayo roon?”

Iginiit ng mga mambabatas na ang mga paglilitis ay isinasagawa alinsunod sa mga tuntunin, at ang palitan ng pahayag ay nagpapakita ng pagsisikap na matiyak ang iisang pag-unawa sa proseso habang ipinagpapatuloy ng komite ang kanilang gawain.