Lacson-Sotto

Hirit na pamasahe, presyo ng bilihin dapat balanse

576 Views

TUMUGON sina Partido Reporma presidential candidate Ping Lacson at running mate na si Senate President Tito Sotto sa panawagan ng iba’t ibang mga transport group na magtaaas ng limang piso sa pamasahe sa mga jeepney kasunod ng sumisirit na presyo ng langis.

Ayon sa tambalang Lacson-Sotto, dapat munang pag-aralan ang magiging epekto sa ating ekonomiya kung papayagan ang pagtataas sa pamasahe dahil posible itong magresulta sa inflation o pagtaas din mga presyo ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain.

“Kailangan balansehin. Siguro dahil tumataas nga ‘yung fuel dapat i-adjust din ‘yung pasahe. ‘Yon ang popular na statement pero merong kapalit ‘yon. Kapag itinaas natin ‘yung pamasahe, tataas ‘yung bilihin. Kasi, siyempre, ‘yung nag-aangkat at saka ‘yung nagtatrabaho sa mga manufacturing… Kasi inumpisahan mong taasan ‘yung pamasahe e. Ang magiging kalalabasan niyan inflation,” pahayag ni Lacson sa naging pagbisita nila sa Candelaria, Quezon nitong Martes.

“Hahabulin ‘yung kinikita ‘nung additional, dahil tumaas ‘yung pamasahe, tataas naman ‘yung mga presyo ng mga bigas, ulam, mga damit, sapatos, tsinelas—lahat ‘yan tataas. So, parang okay, mas lumaki kita ninyo kasi tumaas ang pamasahe. (Pero) hahabulin naman ito ‘nung gastos naman sa mga gamit at saka sa mga pangkain natin araw-araw,” dagdag niya.

Sa kanilang pagbista sa Quezon province, nakipag-dayalogo sa iba’t ibang sektor ang tambalang Lacson-Sotto kasama ng kanilang mga senatorial candidate. Kabilang sa kanilang nakausap ang 200 mga miyembro ng tricycle operators and drivers’ association (TODA) sa Candelaria.

Inihayag nina Lacson at Sotto na nauunawaan nila ang kalagayan ng mga tricycle, jeepney, bus, at iba pang public transport driver at operator, kaya naman gumawa sila ng pamamaraan sa Senado para mabigyan sila ng P5.58-bilyong pondo bilang ayuda sa kanilang sektor noong kasagsagan ng pandemya.

Pero sa kabila nito, natuklasan nila na naging mabagal ang pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa gobyerno. Kaya hinikayat nila ang mga benepisyaryo mula sa transport sector na kunin ang kanilang hindi pa naibibigay na subsidiya sa mga kinauukulang ahensya.