Laudiangco

Holiday samantalahin para makapagparehistro—Comelec

155 Views

HINIMOK ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kuwalipikado pero hindi pa nakakapagparehistro na samantalahin ang bakasyon at huwag ng maghintay ng deadline.

Ayon kay Comelec spokesperson Rex Laudiangco konti lamang ang nakapagparehistro sa unang linggo ng voter registration.

“Maaari po kasing busy pa talaga ang mga kababayan natin sa mga huling pagtitipan at pagtitipon para sa Kapaskuhan. Nauunawaan naman po namin ito. Ngunit araw araw po kaming mananawagan na sana po, mabigyan nila ng pansin at oras ang pagpaparehistro at samantalahin ang pagkakataon na: 1. karamihan po ay nasa bakasyon na, lalo na ang nga mag-aaral 2. karamihan po ay tumutungo sa malls para mamili at mamasyal 3. Kasama pong bigyan ng prioridad ang pagpaparehistro para po hindi na sila maabala sa siguradong pagdami ng magpapatala sa Enero,” sabi ni Laudiangco.

Mula Disyembre 12 hanggang 17 ay 19,336 lamang ang nagparehistro para makaboto sa Sangguniang Kabataan at 46,109 naman ang regular na botante.

Ang pagpaparehistro ay isasagawa hanggang sa Enero 31, 2023.

Bukod sa mga satellite office ng Comelec, nagsasagawa rin ng Register Anywhere Project sa limang mall sa National Capital Region.

Sa Oktobre 2023 isasagawa ang eleksyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan.