Hontiveros1

Hontiveros bukas sa Independent bloc

15 Views

BINIGYANG-LINAW ni Senadora Risa Hontiveros na hindi siya makikialyado sa Duterte bloc, kasunod ng panawagan niyang buuin ang isang matatag at may prinsipyong oposisyon sa Senado matapos ang midterm elections.

Kasunod ng pagkapanalo nina Senators-elect Bam Aquino at Kiko Pangilinan, posible aniyang ang kanilang grupo ang maging bagong minority bloc—ngunit depende ito sa magiging posisyon ng Duterte-allied senators.

“Kung sinasabi nilang opposition sila, senyales na naghahanda silang mag-vie para maging minority bloc. Kung makukuha nila yung label ng minority, may option pa rin po ako or kami kung mag-desisyon po kami na isang independent bloc,” paliwanag ni Hontiveros.

Ayon sa kanya, hindi pa pinal ang istruktura ng Senado, ngunit mahalaga aniyang may mananatiling pwersang magbabantay at sisita sa mga patakaran ng administrasyon, anuman ang kanilang opisyal na katawagan.

Matagal na umano ang naging konsultasyon nina Hontiveros, Aquino, at Pangilinan hinggil sa direksyon ng oposisyon, simula pa noong nakaraang taon.

Tiniyak ni Hontiveros na mananatili siyang tapat sa adbokasiyang bumuo ng “genuine and principled opposition” sa loob at labas ng Senado.

Kabilang sa mga binigyang-prayoridad niyang panukala sa natitirang bahagi ng ika-19 na Kongreso ang mga amyenda sa Safe Spaces Act, reporma sa regulasyon ng kuryente at tubig, at ang mas mahigpit na kampanya laban sa illegal POGO operations at mga scam hubs.

Patuloy din niyang isinusulong ang agarang pagpasa ng anti-POGO law at ang pag-update ng mga batas kaugnay ng treason at espionage.

Samantala, sa isinasampang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, tiniyak ni Hontiveros ang pagiging patas sa paghatol bilang senador na tatayong Hukom.

“Ang aking position po sa impeachment ay base lamang sa ebidensyang ipe-prisenta at doon ako magtutuon ng aking desisyon,” aniya.