Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Senate

Atty. Buco sa mga bias na senador: Nanumpa sila na magiging patas

398 Views

NANUMPA ang mga senador na maging patas na hukom sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte at makabubuti kung tutuparin nila ito, ayon kay Atty. Antonio Bucoy, ang tagapagsalita ng House prosecution panel sa panayam nitong Martes.

Ginawa ni Bucoy ang pahayag bilang tugon sa tanong kung ano ang gagawin ng House prosecution panel sa mga senador na umano’y kumikilos bilang tagapagtanggol o nakakiling kay VP Duterte.

Partikular na binanggit si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na inaakusahan ng ilan na parang abogado sa depensa ng na-impeach na Pangalawang Pangulo.

“Ganito, we will give them the benefit of the doubt, sapagkat alam naman nila ‘yung batas. Alam nila kung ano ang ginagawa nila. Nanumpa sila, they will administer impartial justice. Ngayon tignan natin kung talagang tutuparin nila yung pinanumpaan nila to deliver impartial justice,” ani Bucoy.

Sinabi niya na nasa pagpapasya ng bawat senador-hukom kung siya ay mag-i-inhibit o hindi sa paglilitis ng impeachment kay VP Duterte.

“Ganito yan, sa impeachment, even sa regular courts, lalong lalo na sa impeachment, ‘yung inhibition o recusal, personal to the judge. Kung ayaw nyang bumitaw, nasa sa kanya yan,” aniya.

Dagdag pa niya, sa mga regular na korte, may partikular na mga batayan para mag-inhibit ang hukom gaya ng relasyon o kaugnayan sa partido.

“But other than those, if the ground is perceived bias, yan po ay personal na desisyon nung hukom. Ngayon sa impeachment po, yan ang umiiral na kalakaran. It is personal to the judge concerned,” diin ni Bucoy.

Hihilingin ba ng House prosecution ang inhibition ng mga senador-hukom na umano’y bias kay VP Duterte?

“Pinag-uusapan po yan. Subalit kung ito ay magiging dahilan para maantala, siguro isang tabi na lang yan. Anyway, ilalahad ng ebidensya, ipapakita sa mga hukom, makikita ng publiko, nasa sa kanila yan. Kung kahit malakas ang ebidensya, mag-a-acquit pa rin sila, sinong huhusga? Ang bayan,” ani Bucoy.

Sinabi rin niya na hindi papel ng prosecution na turuan ang mga senador-hukom kung ano ang dapat nilang gawin.

“Wala po kami sa katayuan na turuan sila. Alam na po nila yan. Hindi na kinakailangang ipaalala pa. Subalit once umusad ang impeachment trial, may gag order na nasa impeachment rules. Bawal magbigay ng mga opinion, bawal magbigay ng mga pahayag ukol sa merito ng kaso ang prosecution, ang depensa, pati na ang mga hukom. May gag order po na nakalagay duon sa impeachment rules ng Senado,” paliwanag niya.

Ipinahayag ng tagapagsalita ng prosecution ang pag-asa na pagbabatayan ng mga senador ang ebidensyang ihaharap laban kay VP Duterte gamit ang malamig na paghusga ng isang patas na hukom.

“Kami po ay umaasa na bubuksan ng mga hukom ang kanilang mga mata. At titimbangin nila ang ebidensya. Ngayon mayroon pong mga identified na kumikiling sa nasasakdal, mayroon din po naman na swing votes,” ani Bucoy.

“Ngayon yun pong kumikiling, umaasa kami that the evidence will convince them to be impartial and to vote. Kung kinakailangang mag-convict, they will convict. Kung kinakailangang mag-acquit, they will acquit. Lahat po ay depende sa ilalahad na ebidensya. So para sa akin, let’s give them the benefit of the doubt,” dagdag pa niya.

Dagdag pa niya, kung si Sen. dela Rosa ay hindi man lang titingnan ang ebidensya, ang taumbayan na ang huhusga sa kanya. (END)