Goitia1 Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Kabataang Artist at Manunulat para sa Sining at KultuRA (KAMASKARA), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay nagtapos ng Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), at may mga advanced degree sa MNSA, MPA, at MBA.

Pagtanggol sasoberanya hindi  isusuko ng mga Pilipino — Goitia

Jon-jon Reyes Oct 31, 2026
27 Views

MARIING kinondena ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga ulat tungkol sa umano’y dayuhang operasyon sa ilalim ng dagat malapit sa Panatag Shoal (Bajo de Masinloc).

Aniya, hindi dapat asahan na titiisin ng mga Pilipino ang pananakot sa mga katubigang saklaw ng karapatan ng bansa.

Kabilang sa mga iniuulat ang paggamit ng “ghost research ships.” Nagpapanggap umanong nagsasagawa ng siyentipikong pananaliksik ang mga ito habang nagpapakawala umano ng autonomous underwater vehicles (AUVs), o mga sasakyang gumagalaw sa ilalim ng dagat nang walang taong sakay. Maaari itong gamitin upang tukuyin ang mga rutang maaaring daanan ng mga submarino at mangalap ng impormasyong makatutulong sa pagtukoy at pagsubaybay sa mga banta sa ilalim ng dagat.

Iniimbestigahan din ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kagamitang may mga sensor at antenna na nakita sa isang barkong Tsino sa loob ng lagoon ng Panatag Shoal. Sinusuri kung ito ay isang submersible o kagamitang nakalaan sa mga operasyon sa ilalim ng dagat.

Binigyang-diin ni Goitia na hindi dapat gamitin ng Beijing ang siyentipikong pananaliksik upang pagtakpan ang mga aktibidad na posibleng may layuning militar.

“May karapatan tayong malaman kung ano ang ginagawa ng mga dayuhang barko rito. Hindi natin tatanggapin ang mga aktibidad na naglalagay sa panganib sa ating seguridad o lumalabag sa ating mga karapatan,” ani Goitia.

Sa ilalim ng Article 246 ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), karaniwang kailangan ang pahintulot ng Pilipinas para sa marine scientific research sa ating exclusive economic zone at continental shelf. Itinatakda naman ng Article 240 na dapat isagawa ang ganitong pananaliksik para lamang sa mapayapang layunin.

Pinuri rin ni Goitia ang Philippine Coast Guard, Philippine Navy, Armed Forces of the Philippines, at mga lokal at kaalyadong institusyong tumutulong sa seguridad ng bansa. Binigyang-diin niya na dapat malaman ng mga tauhang gumaganap sa tungkuling ito na buo ang suporta ng pamahalaan at sambayanang Pilipino sa kanila.

“Sila mismo ang nakararanas ng panggigipit sa dagat. Ang pinakamaliit na maibibigay natin sa kanila ay ang buong suporta natin. Ipinaglalaban nila ang karapatan ng bawat Pilipino,” ani Goitia.

“Walang hangarin ang Pilipinas na makipagdigma. Ngunit hindi rin ito dapat manahimik sa tuwing hinahamon ang mga karapatan nito. Ang pagpapanatili ng kapayapaan ay hindi nangangahulugang hahayaan nating diktahan ng ibang bansa ang mga kilos natin sa sarili nating karagatan,” ani Goitia.

Dagdag ni Goitia: “Hindi natin isusuko ang ating mga karapatan sa karagatan. At hindi natin tatalikuran ang tungkuling ipagtanggol ang ating soberanya.”