Calendar
Oil hub sa Pilipinas pinag-usapan
NAKIKIPAG-usap si Sen. Erwin Tulfo sa United Arab Emirates (UAE) para sa partnership sa Abu Dhabi National Oil Company (ADNOC) at bumuo ng oil storage facility na maaaring gawing regional oil hub ang Pilipinas.
Sa pulong noong Oktubre 29, 2nd quarter ng 2027 ang target na rollout ng proyekto.
Nakadepende ito sa magiging kasunduan sa lokasyon, hatian ng responsibilidad sa imprastruktura, commercial terms at iskedyul ng pagpapatupad.
Kasama ni Tulfo sa delegasyon sina Philippine Ambassador to the UAE Alfonso Ver at Special Envoy to the UAE for Trade and Investment Kathryna Yu-Pimentel.
Ayon sa delegasyon, maaaring maisakatuparan ang oil hub sa pagtutulungan ng dalawang gobyerno at ng mga pribadong kompanya.
“We have been pushing for this strategic oil hub as we see how beneficial it will be for Filipinos who are currently experiencing price shocks brought by high oil prices, because we lack access to it,” ani Tulfo.
Nagpahayag ng kahandaang pumasok sa partnership ang panig ng UAE, na pinangunahan ni ADNOC Managing Director at Group CEO Sultan Ahmed Al Jaber.
Ayon sa kanila, nagsusuplay na ang ADNOC sa Petron ng humigit-kumulang 40,000 bariles ng langis kada araw, at maaari pa itong madagdagan sa pamamagitan ng oil hub.
Sinabi rin ng UAE na handa itong ituloy ang pag-uusap, at nag-alok itong ibahagi ang isang umiiral na storage contract framework, o balangkas ng kontrata sa imbakan, para pag-aralan ng Pilipinas.
Ayon sa tanggapan ni Tulfo, ang panukalang hub ang magiging sentro ng mas malawak na energy partnership na sasaklaw sa suplay ng krudo, pamumuhunan sa refinery, fuel retail network, renewable energy at gas-to-power development.
