Just In

Calendar

May 2026
M T W T F S S
 123
45678910
11121314151617
18192021222324
25262728293031
Sara1

House prosecution spox: Impeach trial dapat ituloy sa 20th Kongreso

306 Views

MAAARING ipagpatuloy at dapat ituloy ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa ilalim ng Ika-20 Kongreso sapagkat ang pananagutang itinakda ng Konstitusyon ay hindi nakatali sa takdang termino ng Kongreso, ayon kay Atty. Antonio Audie Z. Bucoy, tagapagsalita ng prosecution panel ng Kamara.

Bilang sagot sa tanong ng Senado kung itutuloy pa ng Kamara ang kaso, mariing itinanggi ni Bucoy ang ideya na hindi maaaring tumawid ang impeachment trial mula Ika-19 patungong Ika-20 Kongreso, at sinabing ito ay isang maling pag-unawa sa kung paano gumagana ang mga institusyon ng pamahalaan.

“Sa akin pong pananaw at pananaw ng prosecution panel, there’s no such thing as crossover,” pahayag ni Bucoy sa isang press conference.

“Ang natatapos po ay ‘yung legislative work, ang paggawa ng batas. ‘Yung institusyon ng Kongreso, ‘yung institusyon ng Senado ay hindi po ‘yan nag-e-expire. Tuloy-tuloy po ‘yan,” giit niya.

Paliwanag ni Bucoy, ang kalituhan ay nag-ugat sa maling pag-aakala na ang pagtatapos ng isang legislative session ay nangangahulugang tapos na rin ang hurisdiksyon ng mga institusyon—isang interpretasyong taliwas sa Konstitusyon at sa mga umiiral na desisyon ng Korte Suprema.

“It’s a misnomer to say, ‘Will it cross over?’ There’s nothing in the Constitution that says crossover,” ani Bucoy.

“In fact, sa ilang decided cases gaya po ng Pimentel v. Joint Committee, sinabi ng Supreme Court na ang napuputol ay ang legislative session—hindi ang proseso ng impeachment,” paliwanag pa ng abogado.

Inihalintulad din ni Bucoy ang impeachment court ng Senado sa isang collegial body gaya ng hudikatura, kung saan hindi kailangang magsimulang muli ang proseso kahit magpalit ng mga miyembro.

“Ang institusyon does not expire. Gaya po ‘yan sa collegial body, meaning judges composed of more than one. Kahit na ho magpalit ‘yung mga hukom doon, hindi naman back to square one ‘yung paglilitis. Tuloy-tuloy ‘yan,” paliwanag niya.

“Ganoon din ang impeachment court. It doesn’t matter what the composition is because the institution survives. It does not expire. It is the legislative function that expires,” dagdag ni Bucoy.

Matatandaang sinampahan ng Kamara ng impeachment si Vice President Sara Duterte noong Pebrero 2025 dahil sa mga kasong pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez; hayagang paglabag sa Konstitusyon; pagtataksil sa tiwala ng publiko; at maling paggamit ng confidential at intelligence funds noong siya’y kalihim ng edukasyon sa mga taong 2022 at 2023.

Ang Senado, na ngayon ay nakaupo bilang isang impeachment court, ay humiling sa Kamara na kumpirmahin kung balak pa rin nitong ituloy ang kaso sa Ika-20 Kongreso.

Naninindigan naman ang mga tagausig ng Kamara na nananatili ang kanilang mandato at nararapat lamang na ituloy ang paglilitis bilang pagtupad sa hangad na katarungan at tungkuling itinatadhana ng Saligang Batas.