Calendar

Hontiveros itinutulak malawakang reporma sa BI
NANAWAGAN si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ng malawakang pagbabago sa Bureau of Immigration (BI), matapos ang umano’y kabiguan ng ahensya na tiyakin ang seguridad ng mga hangganan ng bansa at pigilan ang pagtakas ng mga pugante, kabilang si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Nagbigay siya ng ultimatum kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, hinihingi ang kasiya-siyang paliwanag sa loob ng 15 araw, kung hindi ay pormal siyang magrerekomenda ng pagbabago sa pamunuan ng ahensya.
“To Commissioner Viado of the Bureau of Immigration, with all due respect, please consider this an ultimatum. If no satisfactory answers on these matters are provided by the BI within 15 days, as designated chair of this Subcommittee of the Committee of Justice, I will call for a revamp of the BI in the committee report of this subcommittee. A revamp starting from the Commissioner himself,” pahayag ni Hontiveros.
Sa isang pagdinig ng subkomite ng Senado noong Marso 4, 2025, binigyang-diin ni Hontiveros ang mga pagkukulang ng BI sa kontrol ng imigrasyon, partikular ang pagkabigong pigilan ang mga pugante tulad ni Guo at kanyang mga kasamahan sa pag-alis sa bansa nang hindi namamalayan.
Ipinahayag din niya ang pangamba sa kakulangan ng ahensya na pigilan ang pagpasok ng mga dayuhang espiya at mga organisadong grupong kriminal sa Pilipinas.
“Anumang sinimulan, dapat tapusin. Ang lahat ng mga binuksan, dapat ding isara. Nandito po tayo ngayon para isara ang hearing ng Subcommittee on Justice hinggil sa pagtakas ni Guo Huaping, Sheila Guo, at Wesley Guo noong Hulyo 2024,” aniya, habang tinatanong kung paano nakalabas sa bansa ang mga puganteng ito sa kabila ng mahigpit na pagbabantay.
Pinuna rin ni Hontiveros ang BI sa kabiguang magbigay ng konkretong sagot ukol sa pagtakas ni Guo at ng kanyang mga kapatid, kahit na apat na buwan na ang lumipas mula nang simulan ang imbestigasyon.
“It’s been four months and we still don’t know how fugitives got past our borders undetected. If you could tell the Committee on Record, Chief Manahan for the BI, in short, the Bureau of Immigration still doesn’t know. Will you make that a record?” tanong niya. Kung saan ay sumagot naman si Chief Manahan, “Yes, Honorable Chair.”
Bukod sa kaso ni Guo, binigyang-diin ni Hontiveros ang mas malawak na usapin ng seguridad sa hangganan, kabilang ang mga ulat ng tumataas na aktibidad ng espiya mula sa China at ang patuloy na operasyon ng human trafficking na ginagamit ang sistema ng imigrasyon ng bansa.
Binanggit niya ang mga kaso kung saan sinasabing ginamit ng mga operatiba mula sa China ang pananalapi upang makuha ang impluwensya sa mga lokal na pamahalaan, at itinatanong kung bakit may ilang indibidwal na pinalayas mula sa bansa dahil sa koneksyon sa krimen ngunit nawala sa kanilang mga biyahe sa halip na makarating sa dapat nilang destinasyon.
Ipinahayag din ng senador ang kanyang pangamba tungkol sa mga network ng human trafficking na gumagamit ng mapanlinlang na mga alok sa paglalakbay upang hikayatin ang mga Pilipino na lumabas ng bansa, para lang mapilitang magtrabaho sa mga scam operations.
“Mayroon pong Pilipino na handa pong magkuwento na sila ay nahikayat lumabas dahil daw nanalo sila ng all-expense paid trip to Thailand. Ngunit ang akala nilang once-in-a-lifetime memory, naging bangungot,” aniya, kasabay ng panawagan para sa mas mahigpit na aksyon mula sa pamahalaan.
Muling iginiit ni Hontiveros na dapat akuin ng BI ang buong responsibilidad sa mga kahinaan sa sistema ng imigrasyon ng bansa, lalo na sa pagiging madali para sa mga kriminal na elemento na makapasok at makalabas ng Pilipinas. Binalaan niya na kung walang matibay na repormang ipatutupad, kailangang may managot—simula sa itaas.
Maghihintay ang subkomite ng Senado ng tugon mula sa BI sa loob ng 15 araw bago tapusin ang ulat nito, kung saan malinaw na ipinahayag ni Hontiveros ang kanyang intensyon na itulak ang malaking pagbabago sa pamunuan ng ahensya.