Hontiveros

Hontiveros itinutulak Senate Committee of the Whole para imbestigahan EJKs

46 Views

NAGBIGAY ng alternatibong plano si Senador Risa Hontiveros bilang tugon sa panukala ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na pamunuan ang imbestigasyon ng Senado sa War on Drugs at extrajudicial killings (EJKs) sa ilalim ng kanyang Committee on Dangerous Drugs and Public Order.

Itinutulak ni Hontiveros na magbuo ang Senado ng isang Committee of the Whole para pangasiwaan ang isang mas malawak at patas na imbestigasyon sa EJKs na nauugnay sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte.

Binibigyang-diin ni Hontiveros na ang Committee of the Whole, na pamumunuan ni Senate President Francis Escudero, ay magbibigay-daan para sa pantay-pantay na partisipasyon ng lahat ng senador, na magtitiyak ng isang patas at transparent na imbestigasyon.

Ipinahayag niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng buong katotohanan sa likod ng mga EJKs at pagbibigay ng hustisya para sa mga biktima.

“Ipapanukala ko po sa Senate leadership na magkaroon ng Senate Committee of the Whole kung saan buong Senado ang mag-iimbestiga sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.”ani Hontiveros.

Ang ganitong approach, ayon kay Hontiveros, ay magbibigay ng lakas ng loob sa mga biktima ng war on drugs na magpatotoo nang walang takot.

“Dapat marinig natin sila para malaman natin ang buong katotohanan,” dagdag ni Hontiveros, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pakikinig sa mga pamilya at biktima ng EJKs.

Sa kabilang banda, iminungkahi ni Dela Rosa, na siyang naging pangunahing lider ng pagpapatupad ng anti-drug campaign ng administrasyong Duterte bilang dating hepe ng Philippine National Police, na isagawa ang mga pagdinig sa ilalim ng kanyang komite.

Subalit iminungkahi naman ni Hontiveros na ang Committee of the Whole ay maituturing ng pagiging patas ng imbestigasyon, lalo na’t ang mga polisiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga ang magiging pangunahing paksa.

“Sa halip na isa sa aming mga senador ay mag-che-chair… Committee of the Whole, yung Senate President po ang magdidinig,” itinuro ni Hontiveros, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng malawakang partisipasyon ng Senado.

Dagdag pa niya, “Doon sa lumabas sa pagdinig ng Quad Comm sa House of Representatives… may mga nagpangalan dyan na Davao model. Dapat ay Duterte model… Ang implicated sa EJK doon sa testimonya ni Garma ay yung dating pangulo.”

Habang naghahanda ang Senado sa imbestigasyon, iginiit ni Hontiveros na ang istruktura ng imbestigasyon ay magiging mahalaga sa kung paano isasagawa ng mataas na kapulungan ang kanilang pagsisiyasat sa mga kontrobersiya ng war on drugs na hindi masasakripisyo ang senado bilang institusyon.