Philhealth

Hontiveros: Pagbalik ng P60B sa PhilHealth tiyak na mapagsisilbihan lahat ng Pilipino

360 Views

PINURI ni Senadora Risa Hontiveros ang desisyon ng Korte Suprema na idineklarang labag sa Konstitusyon ang paglipat ng reserve funds ng PhilHealth, na aniya’y isang mahalagang hakbang tungo sa pananagutan at tamang paggamit ng pondo para sa kalusugan ng mamamayan.

“Malinaw ang desisyon ng Korte Suprema: Labag sa Konstitusyon ang ginawang paglipat ng reserve funds ng PhilHealth,” pahayag ni Hontiveros, at nagpasalamat sa hukuman “sa pagtutuwid sa malaking pagkakamali ng gobyerno.”

Ayon sa kanya, tinitiyak ng desisyong ito na mapagsisilbihan ng mga institusyon ng gobyerno ang lahat ng Pilipino alinsunod sa layunin ng Universal Health Care law. “Dahil sa desisyong ito, masisigurado ng ating mga institusyon na mapagsisilbihan natin ang lahat ng Pilipino, ayon na rin sa mithiin ng universal health care,” dagdag ng senadora.

Ipinaliwanag ni Hontiveros na bago pa man lumabas ang pasya ng Korte Suprema ay naglaan na ang Kongreso ng ₱60 bilyon para sa PhilHealth, ngunit iginiit niyang hindi ito dagdag pondo.

“Kailangang malinaw na hindi ito augmentation, ito ay pondong binalik sa PhilHealth. Hindi ito dagdag na pondo,” aniya.

Habang tinatalakay sa Senado ang panukalang 2026 national budget, hinikayat ng senadora ang pamahalaan na tiyaking mananatili ang ₱60 bilyon sa PhilHealth at bayaran ang natitirang ₱53 bilyon na hindi pa naibibigay bilang subsidyo noong 2025.

“Bilang mga lingkod-bayan, obligasyon nating siguraduhing masusulit ang bawat piso mula sa buwis ng taumbayan,” sabi ni Hontiveros, sabay-diin na dapat protektahan ang kaban ng bayan upang matiyak ang “abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan para sa lahat.”