Calendar
PH Embassy sa Washington: Panukalang batas na magwawakas sa dual citizenship sa America di pa batas
IPINAPAABOT ng Embahada ng Pilipinas sa Washington DC sa United States na batid nito na may bagong panukalang batas sa US Senate na naglalayong wakasan ang dual citizenship sa Estados Unidos.
Ang panukalang batas ay kasalukuyang isang legislative proposal at hindi pa naipapasa bilang batas, sinabi nito sa isang advisory.
Dadaan ito sa ilang yugto ng mahabang deliberasyon at maaaring magpatuloy o hindi, depende sa mga desisyon ng Kongreso ng Estados Unidos, dagdag nito.
Kakailanganin ng mga mambabatas ng Estados Unidos na maingat na isaalang-alang ang mga probisyon ng panukalang batas, dahil sa posibleng malawak na epekto nito sa mga pangunahing grupo ng mga imigrante sa bansa.
Dagdag pa ng Embahada, ang mga nakaraang hamon sa dual at multiple citizenship ay hindi naging matagumpay.
Noong 1952 pa, sinabi ng Korte Suprema ng Estados Unidos na ang dual citizenship ay isang “status long recognized by law” at “a person may have and exercise rights of nationality in two countries and be subject to the responsibilities of both. The mere fact he asserts the rights of one citizenship does not mean that he renounces the other” (Kawakita v. US, 343 US 717).
Ang mga Philippine Foreign Service Post sa Estados Unidos ay patuloy na mino-monitor ang panukalang batas at pinapayuhan ang komunidad ng Filipino-American na gawin din ito at mag-ingat sa pagtanggi ng kanilang citizenship, ayon sa advisory ng embahada.
Ang pagtanggi sa citizenship ng Pilipinas ay isang hindi maibabalik na hakbang na legal, saad nito.
Para sa mga katanungan, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy o sa pinakamalapit na Philippine consulate, pahayag ng embahada.

