Hontiveros

Hontiveros pinuri mas malaking pondo para sa mga estudyante, OFW, kababaihan, kabataan

128 Views

INAPRUBAHAN ni Senador Risa Hontiveros ang panukalang 2026 national budget at pinuri ang mas malaking pondo para sa mga programang makikinabang ang mga estudyante, OFW, kababaihan, at kabataan. Kasabay nito, ipinangako niyang ipagpapatuloy ang pagsusulong ng sapat na pondo para sa kalusugan at kalikasan.

“Nagpapasalamat tayo sa mas malaking pondo sa 2026 budget para sa mga programang kailangan ng napakaraming estudyante, OFW, kababaihan at kabataan,” ayon sa senador. “I am happy that the Senate has not forgotten the needs of our vulnerable kababayans, especially the Filipino youth who represent our collective future”.

Kabilang sa mga naaprubahan sa kanyang mungkahi ay ang dagdag na ₱7.35 bilyon para sa state universities and colleges (SUCs), mas malawak na tulong sa OFWs sa 82 probinsya, at pondo para sa liver transplant at brain surgery programs ng mga pampublikong ospital.

Nadagdagan din ang pondo para sa National Coordination Center laban sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC CSAEM) at pinalakas ang pre-audit capability ng Commission on Audit laban sa korapsyon.

Sa sektor ng transportasyon, sinuportahan ni Hontiveros ang mga reporma sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program upang mas maging patas para sa mga tsuper at operator.

Gayunman, ikinalungkot ng senador na hindi naisama sa final budget ang kanyang mungkahing subsidy para sa mga indirect PhilHealth contributors at ang panukalang Sierra Madre Watershed Protection Fund.

“It is very unfortunate that these life-saving and environment-protecting amendments were not adopted. But I will continue fighting for these proposals in the next budget cycle,” aniya.

Binigyang-diin ni Hontiveros na dapat manatiling pangunahing prayoridad ng pamahalaan ang kalusugan, edukasyon, at kalikasan. “Tuloy ang pagsusulong natin na madagdagan ang pondo para sa kalusugan at sa proteksyon ng kalikasan, ngayon at sa mga susunod na taon,” pagtatapos niya.