Calendar
Jinggoy itinutulak pagpapalawig ng estate tax amnesty hanggang 2028
NAGHAIN si Senador Jinggoy Ejercito Estrada ng Senate Bill No. 1488 upang palawigin ang estate tax amnesty hanggang Hunyo 14, 2028, para bigyan ng sapat na panahon ang mga pamilyang Filipino na maayos ang kanilang minanang ari-arian nang walang pangambang pagmumultahin o maharap sa komplikasyong legal.
Nagtapos ang nakaraang amnesty period noong Hunyo 14 ng kasalukuyang taon. Ayon kay Estrada, maraming pamilya ang hindi nakapag-ayos ng pamana dahil sa kawalan ng pera, kakulangan ng dokumento, hidwaan sa pamilya, at limitadong access sa legal na tulong.
“Maraming pamilyang Filipino ang dekada nang pinoproblema ang pagsasaayos ng papeles ng minana nilang lupa o ari-arian. Hindi dahil ayaw nila, kundi dahil sa kakulangan ng pangtustos, kahirapan, kulang na dokumento, away-pamilya, at kawalan ng access sa legal assistance,” paliwanag ng senador.
Layunin ng panukala na amyendahan ang Republic Act No. 11213 o Tax Amnesty Act, na na-update na ng RA 11569 at RA 11956. Layon nitong bigyang-laya ang mga tagapagmana at benepisyaryo upang ayusin ang titulo ng ari-arian at mapakinabangan ang mga nakatiwangwang na lupa.
“Marami ang walang kakayahang kumuha ng abogado, habang ang iba naman ay kulang sa impormasyon at hirap na maunawaan ang legal na proseso,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng SB 1488, maaaring magsumite ng Estate Tax Amnesty Return—manu-mano o electronic—sa mga awtorisadong bangko, Revenue District Office, o accredited tax software provider.
Naniniwala si Estrada na ang pagpapalawig ng amnestiya ay magsusulong ng social justice at tutulong sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapakinabang sa mga ari-ariang matagal nang walang silbi. “Sa pagpapalawig na ito, binibigyan natin sila ng pagkakataong makausad, magamit nang produktibo ang kanilang minana, at makatulong sa pag-unlad ng bansa,” ani Estrada.

