Calendar
Hontiveros sa mga nilindol sa GenSan, Sarangani: Dili kayo nag-iisa
SINABI ni Senadora Risa Hontiveros na dapat magpatuloy mula relief operations hanggang rehabilitation at housing support ang tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol sa General Santos City at Sarangani.
Ginawa ni Hontiveros ang pahayag matapos bumisita sa Barangay Hicban sa General Santos City, kung saan iniulat ng mga lokal na opisyal na nasa 500 kabahayan ang totally destroyed.
Sinabi niya na makikipag-ugnayan ang kanyang tanggapan sa Department of Human Settlements and Urban Development upang alamin kung may programa para sa pagkukumpuni o muling pagtatayo ng mga bahay na hindi na maaaring tirahan.
“So for one, mag-ko-communicate kami sa Department of Housing para malaman kung may programa silang ma-repair, ma-reconstruct yung mga balay na talagang dili na pwedeng tirahan,” ani Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, kailangang matukoy kung anong housing assistance ang maaaring maibigay sa mga pamilyang hindi na ligtas tirahan ang kanilang mga bahay.
Sinabi ni Hontiveros na pupuntahan din niya ang iba pang matinding naapektuhang lugar upang matukoy kung ano pang tulong ang maaaring ibigay ng kanyang tanggapan at ng Senado.
Ayon sa senadora, nauna nang nagtungo sa mga apektadong lugar sina Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian at iba pang senador, at magpapatuloy ang suporta ng Senado, kabilang sa budget debates sa huling bahagi ng taon.
Sinabi rin ni Hontiveros na nag-commit ang mga senador na magbigay ng tig-isang buwang suweldo bilang tulong sa mga biktima.
“Let the whole Senate stand with Mindanao,” ani Hontiveros.
Sinabi niya na ipinapakita ng hakbang na handang tumulong ang mga senador sa pagbangon ng mga apektadong komunidad.
Tiniyak niya sa mga residente na hindi sila pababayaan sa pagbangon mula sa kalamidad.
“Sa tanan ang mga apektado mga kababayan o kauban diri sa General Santos, Sarangani, sa Mindanao, dili kayo nag-iisa,” sabi ni Hontiveros.
Ayon sa senadora, patuloy na aalalay ang Senado at ang kanyang tanggapan sa mga residente habang dumaraan sila sa mahirap na proseso ng pagbangon.
Iginiit niya na dapat saklawin ng tulong hindi lamang ang relief at rescue operations kundi maging ang rehabilitation.
“Dili lang ng relief o rescue pero hangtod sa rehabilitation,” dagdag niya.
Sinabi ni Hontiveros na dapat magpatuloy ang trabaho kahit matapos ang emergency phase at umabot sa mas pangmatagalang recovery measures.
Sinabi rin ni Hontiveros na titingnan niya ang posibleng suporta para sa mga nasirang pasilidad, kabilang ang mga pangangailangang inilapit ng mga opisyal ng Mindanao State University-General Santos College of Medicine.
Ayon sa kanya, mayroon nang unang commitment ang Department of Public Works and Highways para sa paaralan, ngunit maaaring tumulong ang kanyang tanggapan sa paghahanap ng dagdag na suporta kung may kakulangan pa.
“Kung mayroong kulang pa doon, sabi ko titignan ko kung paano makatulong ang office ko and then kung kulang pa yan, maghatak pa ng ibang mga kasamang Senado,” ani Hontiveros.
Sinabi niya na maaaring tumulong ang kanyang tanggapan sa paghahanap ng karagdagang suporta kung hindi sapat ang unang ayuda para sa mga apektadong pasilidad.
“Ganyan naman tayo mga Pilipino, tulong-tulong lang. Patak-patak lang over time,” dagdag niya.
Ayon kay Hontiveros, kailangan ang tuloy-tuloy na pagtutulungan ng mga tanggapan ng gobyerno, mga mambabatas at mga apektadong komunidad para sa pagbangon.

