Valeriano

House Committee on Metro Manila Development suportado ang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR)

Mar Rodriguez Jul 22, 2023
407 Views

SINUSUPORTAHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano ang panukalang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR).

Kasabay nito, muling iginiit ni Congressman Valeriano sa pamahalaan na huwag magpatumpik-tumpik. Sa halip ay mahigpit na paghandaan ang napipintong pananalanta ng El Nino phenomenon sa bansa dahil napaka-laking epekto na maaaring idulot nito sa mga mamamayan.

Binigyang diin ni Valeriano na hindi lamang nito maaapektuhan ang mga mamamayan. Bagkos, maging ang libo-libong magsasaka sa iba’t-ibang panig ng bansa na makaka-apekto sa kanilang mga pananim na maaaring magdulot ng “domino effect” sa mga inaaning agricultural products.

Dahil dito, sinabi pa ni Valeriano na kaya napakahalaga aniya ang pagtatatag ng Department of Water Resources (DWR) para maibsan ang posibleng matinding epekto ng El Nino phenomenon sa Pilipinas. Sapagkat ngayon pa lamang aniya at kinakailangan na itong paghandaan.

Ayon sa kongresista, nabanggit mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang taon sa kahalagahan ng pagtatatag ng DWR upang magkaroon ng tinatawag na “strategic framework” sa national water management.

Nauna rito, ipinahayag ni Valeriano na mapapasama sa ikalawang SONA ni President Marcos, Jr. ang problema ng water interruption sa bansa patungkol sa mga plano ng pamahalaan kaugnay sa napipintong El Nino phenomenon at ang lumalalang problema sa water interruption.

Sinabi ng mambabatas na napakahalaga na ngayon pa lamang ay unti-unti ng binabalangkas ng gobyerno ang mga plano at hakbang nito para maibsan ang matinding epekto ng El Nino phenomenon na inaasahang magkakaroon ng matinding tama o epekto sa sector ng agrikultura.

“The Philippines is an archipelagic country that is too lucky for being surrounded with large bodies of water. Yet, our news recently are full of announcements of water interruptions, not in several minutes but it extended 13 hours per day. Nakakalumo isipin na bahagi ito ng ating sakripisyo,” Sabi pa ng mambabatas.