Madrona

House Committee on Tourism sinuportahan panghihikayat ng DOT sa mga Singaporean businessmen na mag-negosyo, bumisita sa PH

Mar Rodriguez Dec 7, 2022
224 Views

SINUSUPORTAHAN ng House Committee on Tourism ang naging pahayag ng Department of Tourism (DOT) na humihikayat sa mga Singaporean businessmen na bumisita at maglagak ng negosyo sa Pilipinas upang lalong mapabilis ang recovery ng tourism industry ng bansa.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairperson ng Committee on Tourism, ang ginawang panghihikayat ni Tourism Sec. Maria Christina Frasco ay isang magandang inisyatiba upang tuluyan ng maka-recover ang turismo ng Pilipinas.

Naniniwala si Madrona na kinakailangang magkatulungan ang mga bansang sakop ng Asya upang kapwa makabangon mula sa masamang epekto ng COVID-19 pandemic partikular na sa larangan ng ekonomiya at turismo dahil sa mga ipinatupad na lock-down.

Ipinaliwanag ni Madrona na malaking tulong ang magagawa ng mga foreign businessmen tulad ng mga Singaporean na maglagak ng kanilang negosyo o bumisita sa Pilipinas sapagkat makakatulong ito upang lalo pang mapabilis ang pagbangon ng turismo ng bansa.

“We’re open, we’re ready, and we invite all of you (Singaporean businessmen) to visit and to invest in the Philippines,” ang naging pahayag ni Sec. Frasco patungkol sa mga negosyanteng Singaporean.

Ayon pa sa kongresista, nakahanda din ang kaniyang Komite na makipag-tulungan sa DOT upang matulungan ang ahensiya sa pagsisikap nitong maibangon ang turismo ng Pilipinas sa pamamagitan ng infrastructure development, digitalization at connectivity.

Iminungkahi din ni Madrona na kailangang makipagtulungan din ang DOT sa iba pang ahensiya ng pamahalaan o ang tinatawag na “relevant agencies” upang lalo pang mapagbuti ang “access” sa mga “key destinations” sa pamamagitan ng pagsasa-ayos ng mga kalsada, tulay at water systems.

Ipinahayag din ni Madrona na “optimistic” siya sa progreso ng Philippine Tourism bunsod narin ng ipinapakitang sigasig at pagsisikay ni Sec. Frasco para maibangon ang turismo ng bansa na itinuturing na “economic pillars” ng pamahalaang Marcos, Jr.