House committee on tourism susuportahan ang panukalang batas ni Cong. Mujiv hataman kaugnay sa malawi island bilang Eco-tourism zone

217 Views

House committee on tourism suportado gawing ecotourism zone ang Malamawi Island

SUSUPORTAHAN ng House Committee on Tourism ang panukalang batas na isinulong ni Basilan Lone Dist. Cong. Mujiv Hataman sa Kamara de Representantes na naglalayong maging isang “eco-tourism” zone ang Malamawi Island na matatagpuan sa Basilan.

Sinabi ni Romblon Lone Dist. Cong. Eleandro Jesus F. Madrona, Chairperson ng House Committee on Tourism, na puspusan ngayon ang ginagawa ng kaniyang Komite upang suportahan ang mga nakahaing panukalang batas na nagsusulong ng turismo ng bansa.

Aminado si Madrona na malaking epekto ang idinulot ng COVID-19 pandemic sa sektor ng turismo sa Pilipinas dahil sa mga “health protocols” at restrictions na ipinatupad ng gobyerno na naglilimita sa pagpasok ng mga lokal at dayuhang turista sa bansa.

Ipinaliwanag pa ni Madrona na ngayon pa lamang unti-unting nakakabangon ang turismo ng bansa matapos ang ipinatupad na pagluluwag o leniency sa dating mahigpit na “restrictions” kung saan, makikita na unti-unti na naman dumadagsa ang mga turista sa Pilipinas.

Ikinagalak din ng kongresista na ang mga isinusulong na panukalang batas katulad ng inihain ni Hataman o ang House Bill No. 6293 ay pagpapatunay lamang sa kahalagahan ng turismo ng bansa. Sapagkat maraming magagandang lugar sa Pilipinas ang hindi naaasikaso.

Inihalimbawa ni Madrona ang lalawigan ng Basilan na balwarte ni Hataman, kung saan, maraming magagandang lugar sa Basilan aniya ang hindi masyadong napapansin at naasikaso bunsod narin ng masamang reputasyon na dumungis sa imahe ng Mindanao region.

“Bilang Chairman ng Committee on Tourism, natutuwa tayo na may mga gaitong panukala gaya ng isinulong ni Cong. Hataman na nagbibigay importansiya sa ating turismo. Dito natin makikita na talagang may mga magagandang lugar sa ating bansa ang hindi masyadong napapansin dahil narin sa ilang kadahilanan,” ayon pa kay Madrona.

Naniniwala din ang mambabatas na hindi malayong maging susunod na Boracay Island ang Malamawi Island dahil inaasahang maraming turista ang dadagsa sakaling maisabatas ang panukala ni Hataman.

Sa ilalim ng House Bill No. 6293 na inihain ni Hataman, House Deputy Minority Leader, nais nitong maideklara ang Malamawi Island bilang isang eco-tourism zone dahil sa kagandahang dulot nito para sa mga bibistang lokal at dayuhang turista sa Basilan.

Sinabi pa ni Hataman na ang Department of Tourism (DOT) ang mangangasiwa at mayroong mandato para sa development at pagsasa-ayos ng Malamawi Island para sa darating na hinarap. Kung saan, ngayon pa lamang ay unti-unti na itong dinadagsa at dinadayo ng mga turista.