EJK

House Committee sa HR iimbestigahan ‘EJKs’ sa drug war ni Duterte

Mar Rodriguez May 16, 2024
98 Views

IIMBESTIGAHAN ng House Committee on Human Rights sa susunod na linggo ang umano’y extrajudicial killings (EJK) ng ipatupad ang madugong war on drugs ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sa isang pulong balitaan, inanunsyo ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., chairman ng komite, na gaganapin ang unang pagdinig sa Mayo 22 kung saan iimbitahan ang mga kaanak ng biktima, pulis at dating gabinete ng administrasyong Duterte.

Ayon kay Abante, layunin ng imbestigasyon na alamin ang katotohanan at makapangalap ng impormasyon ukol sa napaulat na paglabag sa karapatang pantao sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot at makagawa ng panukalang batas upang maproteksyunan ang mga Pilipino kung kinakailangan.

“Ang tanong siguro ng iba, why are we conducting an inquiry into the deaths of alleged drug addicts or drug dealers? First, we must begin with the principle that each life is valuable and that each life lost is a profound tragedy. Second, we must point out that those who lost their lives, like every Filipino, are protected by the rights granted by the Constitution, one of which is due process,” paliwanag ni Abante.

Dagdag pa niya, “Alleged drug users and dealers po sila, ‘di po sila na-convict because these alleged EJK victims were silenced, they were denied their rights. Now, it is our responsibility to the victims of alleged [EJK] and their families to seek the truth.”

Nilinaw din ni Abante na hindi nila intensyon na husgahan ang sinuman, bagay na sinuportahan naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, vice-chair ng komite.

“It’s not actually the intention of the committee to prove whether the drug campaign in the previous administration was bogus or not,” punto niya.

Nais lamang aniya ng komite na matukoy kung nasunod ba ang mga batas sa pagpapatupad ng kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

“Kung malakas pa po ba talaga ang ating prosesong legal pagdating doon sa mga issues na concerning you know, in this particular case, ‘yung mga drug related incidents and that would also trickle down to the concern of whether these legal processes were exercised or not in the previous administration
would also fall on under the context of preserving human rights,” sabi ni Adiong

Kinumpirma ni Abante na iimbitahan nila ang mga kaanak ng biktima ng EJK partikular ang mga magulang ng mga biktima na menor de edad.

Nang matanong kung bakit mahalaga na maipagpatuloy ang imbestigasyon kahit taon na ang lumipas matapos ang drug war campaign, sagot ni Abante “There are still many questions from our fellow citizens, and until such time that our people are actively raising concerns about human rights issues, we cannot remain silent. We must diligently pursue our duty in thoroughly addressing the accusations surrounding this matter.”

Importante ani Abante ang masinop na imbestigasyon ng Kamara ang mga akusasyon sa gitna na rin ng pagsiyasat na ginagawa ng International Criminal Court.

May mahalagang papel ani Abante ang Kongreso sa pagiimbestiga bilang tulong sa lehislasyon.

Ayon naman kay Adiong, wala silang nais sisihin sa pagiimbestiga bagkus ay para lang maisaayos ang mga polisiya at batas.

Target din anila na matigil na ang kultura ng pamamaslang at impunity sa bansa.

Batay sa datos ng pamahalaan, higit 6,200 na suspect ang nasawi sa operasyon ng gobyerno sa pag-upo ni Duterte noong June 2016 hanggang November 2021.