Tulfo

House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Cong. Erwin Tulfo, isinulong magkaroon ng 24-hours operations sa lahat ng gov’t infra projects

Mar Rodriguez Dec 12, 2023
167 Views

ISINUSULONG ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo na magkaroon ng 24-hours operations sa lahat ng government infrastructure projects partikular na sa konstruksiyon ng mga tulay at kalsada para magkaroon ng efficiency sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ito ang nakapaloob sa House Bill No. 9666 o “An Act Streamlining the implementation of the government infrastructure projects through the round-the-clock operations to promote efficiency and its effective executions of the Accelerated Infrastructure Development Act of 2023” na inihain ni Tulfo sa Kamara.

Ipinaliwanag ni Tulfo na layunin ng kaniyang panukalang batas na ma-revolutionize o magkaroon ng isang drastikong pagbabago sa mga ipinatutupad na government infrastructure projects upang makita ng mamamayang Pilipino ang efficiency at transparency sa lahat ng mga nasabing proyekto.

Binigyang diin ni Tulfo na hindi dapat hayaan na nakabinbin o kaya naman ay nakahambalang ang mga proyekto ng gobyerno na nakaka-abala sa mga mamamayang Pilipino. Bukod pa ang malaking buwis na ibinabayad ng taong bayan para lamang sa mga government infrastructure projects.

Sinabi ng kongresista na ang kaniyang panukala ay sumasaklaw sa lahat ng government projects, local government units (LGUs) kabilang na ang mga government-owned and control corporations (GOCC) lalo na ang mga sumasa-ilalim sa construction, repair at maintenance ng mga tulay at kalsada.

Ipinaliwanag pa ni Tulfo na layunin din ng kaniyang panukala na maipakita sa mga mamamayang Pilipino na hindi nasasayang ang buwis na ibinabayad nila sa pamamagitan ng mabilis na papapatupad ng mga government projects at hindi lamang basta hinahayaan na nakatiwang-wang.

“Kasi ang naaabala ay ang taong bayan. Tutal pondo naman buwis ng taong bayan iyan, bakit sila marunong pa sa taong bayan. Ang gusto ng mamamayan ay matapos agad ang mga proyekto as soon as possible kasi nakakagambala. Enough na po sa 8am-4am lang ang project tapos nakatiwangwang ng Sabado at Linggo na walang nagta-trabaho kasi day-off ng mga manggagawa,” ayon kay Tulfo.