Frasco

House Deputy Speaker Duke Frasco pinangunahan oath-taking ng 300 bagong halal na barangay, SK officials

Mar Rodriguez Nov 28, 2023
133 Views

PINANGUNAHAN ni House Deputy Speaker at Cebu 5th Dist. Cong. Vincent Franco “Duke” D. Frasco ang “oath taking” o panunumpa sa tungkulin ng tatlong daang bagong halal na barangay at SK officials sa Cebu City.

Ginanap ang “oath taking ceremony” sa Panphil B. Frasco Memorial Sports Complex sa Munisipalidad ng Liloan. Kabilang na dito ang pagdaraos ng “oath of allegiance” ng mga mayor at vice-mayor para sa TeamFrasco.

Sa kaniyang mensahe, hinihikayat ni Frasco ang mga bagong halal na opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan na mag-focus sa kanilang tungkulin at obligasyon.

Hinamon din ni Frasco ang mga bagong halal na isangtabi ang politika at sama-samang magtrabaho para sa pagsusulong ng de-kalidad na serbisyo para sa kanilang mga constituents.

Binigyang diin ng kongresista na isang malaking hamon din para sa 300 na bagong halal na opisyal ng barangay at SK ang unti-unting pagkalulong ng mga kabataan sa iba’t-ibang uri ng bisyo kabilang na dito ang illegal na droga at illegal na sugal. Kailangan aniya nilang gumawa ng mga hakbang para sagipin ang mga kabataan mula sa mga masamang bisyo.

Sinabi ni Frasco na kinakailangang pangunahan o magpasimula ng mga programa at kampanya ang mga bagong opisyal ng barangay para tulungan ang mga kabataan na maisalba laban sa paglaganap ng masasamang bisyo sa pamamagitan ng education, awareness at iba pang pamamaraan.

Ayon kay Frasco, dito maipapakita ng mga bagong halal na opisyal ang kanilang sinseridad sa pamamagitan ng kanilang aksiyon para sagipin ang mga kabataan mula sa unti-unting pagkabulid sa masasamang bisyo.

Muling binigyang diin ng mambabatas na ang paglilingkod sa barangay ay hindi lamang aniya umiikot sa pagsusulong ng mga livelihood programs. Bagkos ay kung papaano maililigtas at mailalayo ang mga kabataan mula sa masamang impluwensiya katulad ng masasamang bisyo.