Calendar

House leaders kay VP Sara: ‘Sino ang nakinabang sa pera ng bayan?’
LALO pang tumindi ang panawagan ng mga kongresista at publiko kay impeached Vice President Sara Duterte na magpaliwanag kung sino ang tunay na nakinabang sa P612.5 milyong confidential funds na inilaan sa Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd) noong siya pa ang namumuno rito.
Sa patuloy na paglutang ng mga kahina-hinalang benepisyaryo ng kontrobersyal na pondo—kabilang ang mga pangalang kahawig ng chichiria brands at tech companies—nagbabala sina House committee on good government chairman at Manila Rep. Joel Chua at House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union na lalo lamang pinatitibay ng pananahimik ng Bise Presidente ang impeachment case laban sa kanya na nakahain na sa Senado.
Hiniling nina Chua at Ortega na magsumite si Duterte ng kompletong listahan ng mga benepisyaryo dahil para sa kanila, ang kakulangan sa transparency at ang mga kahina-hinalang pangalan ay maaaring tanda ng tangkang pagtatakip sa maanomalyang transaksyon.
“The Filipino people deserve to know where their money went. Transparency is not optional—it is a fundamental obligation of public service,” ayon kay Chua, na isang ring abogado.
Samantala, sinabi naman ni Ortega, “If there is no clear list of beneficiaries, it only strengthens the case for impeachment. We cannot allow public funds to be disbursed without proper accountability.”
Sa mga natuklasang bagong kahina-hinalang pangalan sa listahan ng mga nakatanggap ng pondo, may ilan na tila kahawig ng mga sikat na tatak at produkto.
Kabilang dito ang “Pia Piatos-Lim” at “Renan Piatos,” na ang gitna at apelyido ay may isang “T” lamang—kaiba sa pangalan ni Mary Grace Piattos, na ang apelyido ay eksaktong katulad ng isang sikat na brand ng chips.
Isa pang pangalan na lumitaw ay “Xiaome Ocho,” na malapit ang pagkakahawig sa isang kilalang tatak at modelo ng smartphone.
Tulad nina Mary Grace Piattos, ang mga pangalang Piatos at Xiaome ay wala ring tumutugmang anumang birth, marriage or death records mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), na lalo pang nagpalakas ng hinala ukol sa pagiging lehitimo ng mga benepisyaryo.
“These names don’t match any records in the PSA’s database. Were these real people or were they fabricated to justify fund disbursements?” tanong ni Chua.
Dagdag pa niya, “If these names are fabrications, then where did the money go? Who pocketed it?”
Dagdag ni Ortega, ang kabiguan ni Duterte na ipaliwanag kung saan napunta ang pondo ay isang tuwirang insulto sa mga nagbabayad ng buwis at nagbibigay ng dagdag na dahilan upang ituloy agad ang impeachment proceedings.
“The public will not tolerate corruption at this scale. If there are no real beneficiaries, then this was a massive, organized plunder of public funds,” diin ni Ortega.