Calendar
House leaders kay VP Sara: Tigilan na ang drama, sagutin kuwestyunableng paggamit ng OVP, DepEd confidential funds
HINAMON nina House Assistant Majority Leaders Jay Khonghun ng Zambales at Paolo Ortega V ng La Union si Vice President Sara Duterte na itigil na ang drama at direktang sagutin ang pagtanggi ng mga opisyal ng military kaugnay ng P15 milyong confidential fund na ginastos ng Department of Education (DepEd) para sa Youth Leadership Summits (YLS) noong 2023.
“Tama na ang pambubudol at pagpapalusot. Naghihintay ang publiko ng malinaw na sagot tungkol sa hindi mo ipinaliliwanag na paggamit ng confidential funds. Pumalag maging ang militar dahil pinalabas ninyong nakinabang rin sila sa pagpondo sa YLS kahit hindi,” ani Khonghun, chairman ng House special committee on bases conversion.
“Pakisagot, Madam VP Sara: Niloko mo ba ang militar o hindi? Mahalaga ring malaman ng publiko kung saan napunta ang P15 milyon na sinasabing ginamit ng DepEd para sa YLS sa ilalim ng iyong pamumuno, na mariing itinanggi ng militar,” ani Khonghun.
“No amount of on-screen meltdowns can bury the issue of the alleged misuse of confidential and intelligence funds (CIF) under either the Office of the Vice President (OVP) or DepEd. The Filipino people demand answers,” giit pa ni Khonghun.
Sinabi naman ni Ortega na makikita kung anong klaseng lider si Duterte batay sa mga ginagawa nito sa gitna ng mga alegasyon ng maling paggamit ng pondo.
“For VP Sara, given how you’re handling these allegations, now tell the people what kind of leader you are,” aniya.
“This is just the latest in a series of alleged misuse of public funds. Unfortunately, the Vice President has never addressed these issues directly and instead resorts to making outlandish statements. Puro sound bites, pero walang substance,” ayon pa sa mambabatas mula sa La Union.
“Patuloy na inililihis ang mga mahalagang isyung dapat sagutin sa mga kuwestiyunableng paggamit ng confidential funds sa pamamagitan ng panlilinlang at walang basehang paninira laban sa administrasyong Marcos. The Filipino people see through these diversionary tactics. They weren’t born yesterday. Pinagtatawanan ka na nila, Madam VP. Now it’s up to you — will you continue being a comedy act or be woman enough to confront these issues?” dagdag pa ni Khonghun.
Sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability kamakailan, lumalabas na nagsumite ang DepEd ng walong sertipikasyon mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang patunayan ang paggastos ng P15 milyong confidential fund para sa YLS events noong 2023.
Subalit ayon sa mga opisyal ng militar na dumalo sa pagdinig, ang AFP at mga lokal na pamahalaan ang gumastos sa summit at hindi ang DepEd.
Ang sertipikasyon ay ginamit para patunayan na nagbayad ang DepEd ng P15 milyon sa mga impormante.
Ayon sa apat na opisyal ng militar, hindi sana sila nagbigay ng mga sertipikasyon kung alam lang nila na gagamitin ito ng DepEd sa liquidation ng P15 milyong confidential fund na pinalabas na ibinayad sa mga impormante.
Nabunyag ang impormasyon sa pagtatanong ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores kina Retired Maj. Gen. Adonis Bajao, Lt. Col. Carlos Sangdaan Jr., at Colonels Manaros Boransing at Magtangol Panopio sa isinasagawang imbestigasyon ng House committee on good government and public accountability sa diumano’y iregularidad sa paggamit ng public funds ng OVP at DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Sa naturang pagdinig ay inamin ng tagapagsalita ng OVP na si Michael Poa na si Duterte at ang senior disbursing officer ang mayroong direktang kontrol sa paggastos ng confidential funds.
Si VP Duterte ay nagsilbi bilang kalihim ng DepEd mula Hunyo 30, 2022, hanggang Hulyo 19, 2024.