Gonzales Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

House leaders, lumalakas ang panawagan: AKAP dapat palawakin

16 Views

MATAPOS lumabas ang bagong survey ng OCTA Research na nagsasabing 79 porsiyento ng mga Pilipino ay pamilyar sa Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at 69 porsiyento ang pabor sa pagpapatuloy at pagpapalawak nito, tiniyak ng ilang lider ng Kamara na mas paiigtingin pa nila ang programa upang mas maraming mahihirap na pamilya ang makinabang.

Sa isang pahayag, sinabi nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ng Pampanga, Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez ng Quezon at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe ng Zamboanga City na patuloy nilang ipaglalaban ang AKAP at iba pang programang direktang tumutugon sa pangangailangan ng masa.

“Alam naming marami sa ating mga kababayan ang labis na nahihirapan sa araw-araw at hindi sapat ang sahod at kita na natatanggap nila,” ayon kay Gonzales.

“Nagsalita na ang taumbayan. Nananawagan ako sa ating mga lider ng bansa, pakinggan natin sila. Kailangan nating gawing mas mabilis at episyente ang ating AKAP para tunay na maramdaman ng masa ang kalinga at malasakit,” aniya.

Giit ni Suarez, hindi dapat haluan ng pamumulitika ang isang programang napapakinabangan ng taumbayan.

“Sa nakaraang mga araw at buwan, nilalamon ng maruming pamumulitika ang kabutihang dulot ng direktang tulong para sa mga taong araw-araw na nakakaranas ng gutom at hirap. Kahit pa ganoon, datos na ang nagpapakita—siraan man nila ang AKAP, ramdam ng tao ang tunay na pakinabang nito,” pahayag ni Suarez.

Samantala, mas pinili naman ni Dalipe na magbigay ng positibong pananaw tungkol sa hinaharap ng AKAP: “Ang survey na ito ay nagpapatunay na alam ng masa ang halaga ng ating programa.”

“Imbes na paninira ang pinag-aaksayahan ng panahon, bakit hindi tayo magtulungan upang mapabilis ang pag-abot ng tulong? Ang bawat Pilipino ay karapat-dapat na makaramdam ng tunay na malasakit mula sa pamahalaan,” dagdag pa ni Dalipe.

Ayon sa datos ng OCTA Research, isinagawa ang survey mula Enero 25 hanggang 31, 2025, kung saan 1,200 Pilipino mula sa Metro Manila, Luzon, Visayas at Mindanao ang tinanong.

May ±3 percent margin of error sa pambansang antas at ±6 percent margin sa subnational estimates.

Dahil sa malakas na suporta ng publiko, naniniwala ang mga lider ng Kamara de Representantes na may malinaw silang mandato para ipaglaban ang AKAP.

“Ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na komunidad ang tunay na susi sa pag-unawa ng kanilang mga pangangailangan,” ani Gonzales.

“Dito natin makikita kung paano pa natin mapapaganda ang proseso ng AKAP. Kapag narinig natin ang kanilang hinaing, agad natin itong maaaksyunan,” dagdag pa ni Suarez.

Binigyang-diin ni Dalipe na hindi lang simpleng ayuda ang kailangang pagtuunan ng pansin kundi ang pagpapabuti pa ng sistema.

“Innovation at modernization ng public service ang kailangang isulong. Hindi pwedeng mabagal, hindi pwedeng magtagal. Ang importante, mabilis at maayos na naipaparating ang tulong sa nangangailangan,” sabi ng mambabatas.