Calendar
House panel hiniling aksyon asap sa 4 OVP execs na di sumipot sa pagdinig
APAT na opisyal mula sa Office of the Vice President (OVP), na dati nang na-contempt at may nakabinbing arrest orders, ang muli na namang hindi dumalo sa pagdinig ng House committee on good government and public accountability nitong Miyerkules, kaugnay ng umano’y maling paggamit ng pondo sa ilalim ng pamamahala ni Vice President Sara Duterte.
Ang patuloy na pagtanggi ng mga opisyal na dumalo sa panel, na kilala rin bilang House Blue Ribbon Committee, ay nagdulot ng matinding galit sa mga mambabatas.
Nanawagan sila ng agarang aksyon mula sa mga ahensyang tagapagpatupad ng batas upang maipatupad ang mga arrest order laban sa mga opisyal.
Ang mga opisyal — OVP assistant chief of staff at Bids and Awards Committee chair Lemuel Ortonio, special disbursing officer (SDO) Gina Acosta, dating Department of Education (DepEd) assistant secretary Sunshine Charry Fajarda at SDO Edward Fajarda — ay nagturo ng “official travel” bilang dahilan ng kanilang hindi pagdalo, batay sa komunikasyong ipinasa sa komite.
Ang magkapatid na Fajarda ay lumipat sa OVP matapos bumaba si Vice President Duterte bilang DepEd secretary noong Hulyo.
Mariing tinanggihan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chair ng komite, ang dahilan ng mga opisyal na tinawag niyang “unjustifiable.”
“This is already our sixth hearing. They were given six opportunities to attend. Regardless of their excuse, I don’t find it justifiable,” ani Chua.
Sa mosyon ni House Assistant Majority Leader at Taguig City 2nd District Rep. Amparo Maria Zamora, nagdesisyon ang komite na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang ipatupad ang mga arrest order at i-turn over ang apat na opisyal sa House of Representatives.
Inaprubahan din ng komite ang mosyon ni Zamora na ipasa ang contempt at arrest orders sa Bureau of Immigration (BI) upang pigilan ang posibleng pag-alis ng bansa ng mga opisyal.
Ang desisyon ay base sa ulat ng House Legislative Service Bureau, na pinamumunuan ng Sergeant-at-Arms, na nagsabing hindi naipatupad ang mga arrest order dahil ang OVP legal office ay nagsabing nasa official travel ang mga opisyal.
Kinumpirma ng sekretarya ng komite na naipadala na ang mga order kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, PNP Chief Gen. Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Nicolas Torre III, pati na rin sa mga pinuno ng Mandaluyong City Police at Eastern Police District.
Ang apat na opisyal ng OVP na nasa ilalim ng contempt at arrest orders ay nasa immigration lookout bulletin na rin, kasama sina OVP chief of staff Zuleika Lopez, Financial Services director Rosalynne Sanchez at chief accountant Julieta Villadelrey, na naunang humarap sa komite matapos ang maraming imbitasyon at subpoena.
Bukod sa umiiral na arrest orders, muling na-contempt si Ortonio para sa umano’y “disrespecting” ng mga mambabatas sa patuloy na pagsuway sa mga kautusan.
Nauna nang sumulat si Ortonio sa komite na nangangakong dadalo sa pagdinig at humihiling na tanggalin ang orders laban sa kanya — isang kahilingang tinanggihan ng panel bilang karagdagang pagsuway.
Inihain ni Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Jil Bongalon ang mosyon na muling i-contempt si Ortonio, na inaprubahan ng komite. Inirekomenda rin ang pagkakulong ni Ortonio sa Bicutan prison nang 10 araw kapag siya’y naaresto.
Ipinahayag ni Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ang pagkadismaya sa patuloy na hindi pagdalo ng mga opisyal at hinimok ang komite na pag-aralan ang pagsasampa ng administrative sanctions laban sa kanila.
“Tinitingnan ko po ang batas tungkol sa mga government officials, talagang tungkulin po nila na humarap sa ganitong pagdinig,” saad ni Suarez.
Dagdag pa niya, “At kung patuloy po silang umiiwas — hindi pupunta, hindi dadalo at gagawa ng kung anong dahilan — dapat pag-aralan ng komite ang kasong administratibo na pwedeng isampa sa kanila dahil hindi po ito sumusunod sa alituntunin ng lingkod-bayan.”
Ang apat na opisyal, na bahagi ng tinaguriang “inner circle” ng Vice President, ay mahalaga sa imbestigasyon sa umano’y maling paggamit ng P500 milyong confidential funds na inilaan sa OVP.
Ang mga pondong ito ay ipinamigay sa apat na installment na tig-P125 milyon mula ikaapat na quarter ng 2022 hanggang sa unang tatlong quarter ng 2023.
Na-flag ng Commission on Audit (COA) ang halos kalahati ng unang P125 milyon at hindi tinanggap ang P73 milyong nagastos ng OVP sa loob lamang ng 11 araw noong huling bahagi ng 2022.
Naglabas din ng Audit Observation Memorandums para sa natitirang P375 milyong ginastos noong 2023 dahil sa mga iregularidad.
Iniimbestigahan din ng panel ang mga anomalya sa P112.5 milyong confidential funds ng DepEd noong 2023, nang pinamumunuan pa ito ni Vice President Duterte.