Calendar

House panel hinimok COA i-audit BARMM P6.4B LGSF
INIHIRIT ng isang House panel sa Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng fraud audit sa paggamit ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa P6.4 bilyong Local Government Support Fund (LGSF) nito.
Ipinunto ni House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na batay sa panloob na auditing policies ng COA, ang central office ang may responsibilidad sa pag-audit ng mga pondong lumalampas sa P50 milyon.
“Even in their internal auditing policy of the COA, P50 million below, pwedeng i-audit ng regional level. ‘Pag P50 million and above, central office na po iyan. That’s in your internal auditing rules and policies,” ani Adiong.
Binigyang-diin niya na dapat nang makialam ang national office ng COA sa pagsusuri ng paggamit ng BARMM sa LGSF.
“The P50 million and above, COA central national office will come into the picture, and we’re talking of P6.4 billion,” dagdag niya.
Dahil dito, inihain ni Adiong ang mosyon upang pormal na hilingin sa COA na magsagawa ng fraud audit.
“Maybe it’s that we invite the attention of the COA central to conduct the necessary auditing procedures that they would tend to do to assess, monitor the utilization of the P6.4 billion Local Government Support Fund in the BARMM,” aniya.
Sinang-ayunan ito ni House public accounts committee chair Stephen Joseph “Caraps” Paduano at hiniling kay Adiong na gawing pormal ang kanyang mosyon.
“Please put that in a motion, Cong. Zia,” ani Paduano.
Inihain naman ni Adiong ang mosyon: “Mr. Chair, I move that we direct the COA to conduct the fraud audit of the LGSF, of the 2024 BARMM LGSF. So moved, Mr. Chair,” pahayag niya.
Pinagtibay ng komite ang mosyon.
Samantala, kinuwestiyon ni Deputy Minority Leader Mujiv Hataman ng Basilan ang patuloy na hindi pagdalo ng mga opisyal ng BARMM sa pagdinig sa kabila ng kahalagahan ng isyu.
“Ang mga BARMM officials, wala pa rin?” tanong ni Hataman.
Sagot ni Paduano, nagpadala ng excuse letter ang mga kinatawan ng BARMM at ginamit na dahilan ang Ramadan.
“The BARMM officials sent us an excuse letter because of Ramadan… and we considered it a valid reason,” paliwanag ni Paduano.
Gayunman, binigyang-diin ni Hataman na hindi dapat gawing dahilan ang pag-aayuno upang hindi gampanan ang opisyal na tungkulin.
“Just for the record, Mr. Chair, gusto ko lang sabihin na kami rin ho, nagfa-fasting. Pero wala hong batas even sa aming relihiyon na nagsasabing kung nagfa-fasting ka di mo pwedeng gawin kung ano ‘yung mandato mo sa buhay mo at ang mga obligasyon mo sa iyong panunungkulan,” aniya.
Binanggit din niya na dati nang ginamit ng BARMM ang isyu ng awtonomiya upang umiwas sa legislative inquiries, ngunit ngayon ay Ramadan naman ang dahilan ng hindi nila pagdalo.
“Second point, Mr. Chair, ‘yung isyu ho na wala tayong oversight authority over them, dahil ‘yun ‘yung last time na ini-invoke nila na hindi ho tayo pwedeng magkaroon ng legislative inquiry because of the issue of autonomy. Hindi na ho nila pinapanindigan ‘yun, at ang reason ngayon ay dahil Ramadan. Just for the record, Mr. Chair,” sabi ni Hataman.
Nagbabala siya na maaaring gamitin muli ng BARMM ang awtonomiya sa mga susunod na pagdinig upang umiwas sa pananagutan.
“Kaya ko lang po nire-raise ‘yun, ngayon tinanggap natin dahil Ramadan na hindi sila pumunta. ‘Yung point ko lang ho, baka mamaya next hearing natin i-invoke nila na wala tayong jurisdiction.
But I thank the Chair na tama ho ‘yung paninindigan na meron tayong oversight authority over them kasi nga sinasabi natin itong pondo naman nila ay dumadaan sa atin,” paliwanag niya.