Adiong1

House Prosecution Panel hinamon depensa ni VP Sara: Ipaliwanag paggamit sa mga testigo ng prosekusyon

124 Views

HINILING ng House prosecution panel sa Senate impeachment court na obligahin ang depensa ni Bise Presidente Sara Duterte na ipaliwanag kung bakit isinama nito bilang sarili nitong mga testigo ang mga testigong iniharap ng prosekusyon.

Binalaan ng panel na ang malalabong paglalarawan sa mga testigo, pangkalahatang pagtanggi, at hindi malinaw na layunin ay maaaring mag-aksaya ng oras ng paglilitis at magdulot ng pagkaantala sa proseso.

“Bahagi rin ng isinumite namin sa Kagalang-galang na Hukuman ngayon ang kahilingang payagan ang depensa na tukuyin nang eksakto kung ano ang layunin ng pag-ampon nila sa mga testigong aming inihain,” ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong.

Ginawa ni Alonto Adiong ang pahayag sa press conference ng House prosecution team sa Senado habang naghahain ang mga prosecutor ng mga dokumento hinggil sa pagkakasunod-sunod ng presentasyon ng ebidensiya, mga mungkahing stipulations of fact, at layunin ng mga testigong nakalista ng magkabilang panig.

“Ang napapansin namin ay tila pangkalahatang pagtanggi lamang ito. Hindi namin eksaktong alam kung ano ang magiging layunin ng mga testigong iniharap namin sa hukuman na ngayon ay inaampon din ng depensa bilang kanilang mga testigo,” dagdag niya.

Sinabi naman ni Kabataan Party-list Rep. Renee Co na napansin ng prosecution panel na napakalawak at pangkalahatan ng mga paglalarawang ginamit ng depensa sa pagtukoy sa layunin ng marami nilang testigo, kahit na hinihingi sa pre-trial na malinaw na maipaliwanag kung bakit mahalaga ang isang testigo sa kaso.

“Ito po ay dahil napansin ng House prosecution panel sa pre-trial brief ng depensa na karamihan sa kanilang mga testigo, sa nakasaad na layunin kung bakit sila ihaharap, ay napakapangkalahatan ng pagkakalahad,” ani Co.

Ayon sa prosekusyon, hindi nila layuning agad tutulan ang mga testigo ng depensa kundi tiyaking sumusunod ito sa mga alituntunin ng Senate impeachment court upang matukoy kung alin sa mga testimonya ang mahalaga, kinakailangan, o inuulit lamang ang mga nauna nang naiprisinta.

“Ang hinihiling lamang namin ay utusan sila ng Clerk of Court at ng impeachment court na sumunod sa mga patakaran para sa pre-trial conference, dahil malinaw na inaatasan ng mga alituntuning ito ang magkabilang panig na magbigay ng buod ng kanilang mga planong testigo,” paliwanag ni legal spokesperson Benjamin Tolosa Jr..

Sinabi ni Tolosa na hindi maaaring basta na lamang muling iharap ng depensa ang mga testigo ng prosekusyon nang walang sapat na paliwanag kung bakit kailangang ulitin ang kanilang testimonya, lalo na’t magkakaroon naman sila ng pagkakataong tanungin ang mga ito sa pamamagitan ng cross-examination kapag iniharap na sila ng prosekusyon.

“Iyan mismo ang layunin ng cross-examination. Kapag iniharap namin ang mga testigo bilang sarili naming saksi, magkakaroon na ng pagkakataon ang depensa na usisain sila upang makamit ang layuning iyon. Kaya bilang pangkalahatang tuntunin, hindi maaaring muling ipatawag ang isang testigo nang walang sapat na katwiran,” paliwanag ni Tolosa.

Ayon naman kay Adiong, ang pag-asa ng depensa sa malawakang pagtanggi at ang pag-ampon nito sa mga testigo ng prosekusyon ay nagpapatibay sa pangamba ng prosekusyon na wala pa ring malinaw na sagot ang depensa sa mga ebidensiyang sumusuporta sa mga Artikulo ng Impeachment.

“Mukhang sila ngayon ang nagsasagawa ng fishing expedition dahil gusto nilang humarap sa hukuman ang mga testigong una naming inihain, ngunit hindi namin at maging ang hukuman ay alam kung ano ang layunin ng pagturing sa kanila bilang hostile witnesses,” ani Alonto Adiong.

Sinabi naman ni Co na nais ng prosekusyon na maiwasan ng impeachment court ang pag-aaksaya ng oras ng publiko sa pamamagitan ng pagtiyak na malinaw ang layunin ng bawat testigo at bawat piraso ng ebidensiya bago pormal na itakda ang iskedyul ng paglilitis.

“Ang gusto nating maprotektahan dito ay ang oras ng impeachment court. Ayaw natin ng karagdagang pagkaantala at nais nating igalang ang proseso at mga alituntunin ng hukuman sa pagtitimbang ng kaugnayan ng mga testimonya ng ating mga testigo at ng bigat ng mga ebidensiyang ihaharap,” ani Co.

Dagdag ni Adiong, dapat seryosohin ng depensa ang pre-trial conference sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga espesipikong detalyeng hinihingi ng impeachment court, sa halip na umasa sa mga pangkalahatang pahayag na maaaring magpalabo sa mga isyu at magpahaba sa proseso.

“Kaya hindi lamang ito usapin ng kahandaan o dami ng ebidensiya at lakas ng kanilang kaso. Ipinapakita rin nito kung gaano kaseryoso ang depensa sa pagsunod sa mga alituntuning itinakda ng kagalang-galang na hukuman,” ani Adiong.

Nilinaw ni Tolosa na sa kasalukuyan ay hindi pa hinihiling ng prosekusyon na huwag payagang humarap ang mga testigong ito, kundi nais lamang nilang obligahin ang depensa na ipaliwanag kung bakit kinakailangan pa silang muling ipatawag at gamitin sa paglilitis.

“Hindi, hindi pa kami tumututol sa ngayon. Itinuturo lamang namin na kapag dumating ang panahon ng kanilang presentasyon, kailangan nilang ipaliwanag kung bakit kinakailangang muling ipatawag ang mga testigong iyon,” ani Tolosa.