Calendar
House prosecution panel inilatag na mga ebidensiya
INILATAG na ng House prosecution panel ang pagkakasunod-sunod ng ebidensiya para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado.
Magsisimula ang mga nasabing ebidensiya sa artikulo tungkol sa planong asasinasyon, malubhang pagbabanta (grave threats) at pag-uudyok sa sedisyon (inciting to sedition).
Sinabi ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong na ang iminungkahing pagkakasunod-sunod ay bahagi ng isinumite ng prosecution panel noong Hunyo 22, ngunit ang kautusan ay nakadepende pa rin sa pag-apruba at posibleng pagbabago ng impeachment court.
“Ang pagkakasunod-sunod, ayon sa paghaharap ng ebidensya, ay Artikulo 4, planong asasinasyon, malubhang pagbabanta, at pag-uudyok sa sedisyon laban sa pamahalaan. Artikulo 1, maling paggamit at pagpapakalat ng confidential funds. Artikulo 3, panunuhol at korapsyon sa loob ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), at ang huli ay Artikulo 2, hindi maipaliwanag na kayamanan (unexplained wealth), pekeng SALN, at patuloy na interes sa negosyo,” ang pahayag ni Adiong.
Ipinaliwanag ng kongresista na isinaalang-alang ng prosekusyon ang estratehiya sa paglilitis at ang pag-unawa ng publiko sa pagpapanukala ng pagkakasunod-sunod na ito.
Ang paglilitis, ayon pa kay Adiong, ay hindi lamang susubaybayan ng mga senador-hudisyal kundi maging ng mamamayang Pilipino, na dapat ay nauunawaan ang mga paratang at ebidensya habang inihaharap ang mga ito.
“Hindi lang po ang Senado ang nag-e-evaluate at nag-a-assess ng ebidensya, pati na rin ang publiko,” dagdag pa nito.
Sinabi din ng Muslim solon na ang pagsisimula sa artikulo tungkol sa mga umano’y pagbabanta ay makatutulong sa publiko na agad masundan ang panimulang bahagi ng kaso, lalo na’t may mga video na malawakan nang napag-uusapan sa publiko.
“It’s easier for the public to understand right away yung nakita nilang video na tini-threaten ng Bise Presidente, ang nakaupong Presidente, ang unang ginang, at ng dating Speaker of the House of Representatives,” saad ni Alonto Adiong.
Ayon naman kay Atty. Benjamin S. Tolosa Jr., legal na tagapagsalita ng private prosecution team, inaasahang hindi gaanong kumplikado ang paghaharap ng artikulo sa malubhang pagbabanta, lalo na kung ang pag-uusapan ay ang mga katotohanan ng pangyayari.
“For the grave threats, that’s the least contentious article, at least with respect to the facts,” ani Tolosa.
Sinabi ni Tolosa na ang iba pang mga artikulo ay maaaring mangailangan ng karagdagang aksyon mula sa korte dahil inaasahan ng prosekusyon na maghaharap sila ng mga hostile witness at maaaring magpadala ng mga subpoena para pilitin silang dumalo.
Ayon sa kaniya, ito ang isang praktikal na dahilan kung bakit ang ilang artikulo ay maaaring mangailangan ng mas mahabang panahon at proseso sa harap ng impeachment court.
“For the others, there’s need for request for issuance of subpoena from the impeachment court,” sabi ni Tolosa.

