Bayan

Kamara sinusuportahan ang Bayan Desk

Mar Rodriguez Jun 24, 2026
136 Views

SA LOOB NG 50 araw matapos buksan ang pinto nito para sa mga Pilipinong nangangailangan, inaprubahan ng Suporta sa Bayan Desk (SBD) ng Kamara de Representantes ang 3,592 kahilingan at nagpalabas ng ₱171,498,700 na tulong pinansyal.

Batay sa accomplishment report ng SBD mula Marso 18 hanggang Hunyo 22, 2026, dumaan sa desk ang kabuuang 3,738 kahilingan — 3,103 mula sa mga walk-in na mamamayan at 635 na inirekomenda ng mga miyembro ng Kamara — kung saan 3,592 o 96 porsyento ng mga ito ang naaprubahan.

Sa naturang pahanon, nagsilbi ang SBD sa average na 72 kliyente bawat araw. Umabot sa ₱175,814,200 ang kabuuang pondong naaprubahan, kung saan ₱171,498,700 na ang naipamahagi sa mga benepisyaryo.

Sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na bagamat kahanga-hanga ang mga numerong ito, bahagi lamang ito ng kabuuang kuwento.

“Ang bawat isa sa 3,592 naaprubahang kahilingan ay isang pamilyang Pilipino na hindi na kailangang umuwing luhaan, mga pasyente na kaya nang bumili ng kanilang mga gamot, pambayad sa dialysis, at para sa kanilang operasyon,” sabi ni Speaker Dy.

“Kapag may lumalapit sa gobyerno na nangangailangan ng tulong, hindi dapat sila pinapahirapan. Ang gusto natin ay mas mabilis, mas maayos, at mas makataong serbisyo. Iyan ang layunin ng Suporta sa Bayan Desk,” dagdag pa nito.

“Noong itinatag natin ang Suporta sa Bayan Desk, sinabi natin na ang Kamarang ito ay magiging Kapulungan ng Bayan — ‘Alagang Kongreso’ — at sa loob ng 50 araw, ₱171 milyong tunay na tulong ang naihatid sa marami nating kababayan na nangangailangan. Ganyan ang tunay na serbisyo publiko,” wika pa ng House Speaker.

Inilunsad noong Marso 17, 2026 at nagsimula ng operasyon noong Marso 18 sa ilalim ng pamumuno nina Speaker Dy at House Majority Leader – Ilocos Norte 1st Disrict Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang SBD ay nagsisilbing isang one-stop facilitation center.

Tinutulungan nito ang mga aplikante na makumpleto ang mga kinakailangang dokumento bago irekomenda ang kanilang mga kahilingan sa mga katuwang na ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

Pinuri naman ng Marcos ang 96% approval rate bilang patunay na ang Kongreso ay maaaring maging katuwang sa frontline ng mga serbisyong panlipunan, at sinabing nahigitan na ng desk ang mga paunang inaasahan dito.

“Ang 96-percent approval rate ay hindi lang basta istatistika. Ito ay garantiya na kapag ang isang nangangailangan ng tulong ay pumasok sa mga pinto ng SBD, lalabas silang may pag-asa,” ayon kay Marcos.

“Ang tagumpay ng SBD sa unang 50 araw ng operasyon nito ay nagpapakita ng matatag na komitment ng Mababang Kapulungan na gawing mas mabilis, mas may malasakit, at mas madaling maabot ng ating mamamayan ang tulong ng pamahalaan,” dagdag pa ng kongresista.