Calendar
House prosecution team handa na sa paglilitis ky VP Sara
HANDA na ang House prosecution team sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte, ayon kay House trial spokesperson at Kabataan Party List Rep. Renee Co.
Nakahanda na ang prosecution panel habang hinihintay ng mga taga-usig ang kalendaryo ng Senado at ang pormal na sagot ni Duterte sa Articles of Impeachment, sabi ni Rep. Co.
“Noon at hanggang ngayon ay handa naman po ang House prosecution team na kung anuman ‘yung nakalapat sa articles of impeachment ay himay-himayin ang ebidensya nito, i-deliver ‘yung mga legal arguments at siyempre i-ensure na ‘yung mga sagot na gusto nating marinig ay makuha at siyempre depensahan at the end of the day ‘yung allegations natin sa Articles of Impeachment,” ani Co.
Wala pang natatanggap na opisyal na iskedyul ang Kamara de Representantes, ayon sa lady solon, mula sa impeachment court ng Senado.
Inilatag din ni Co ang mga susunod na hakbang sa bawat proseso kasunod ng subpoena na ipinadala ng Senado kay Duterte.
“Pagkatapos po makuha ng Senado and ng House ‘yung answer, meron pong 5 days ang HOR Prosecution Panel na magsumite ng reply, after which magkakaroon ng pre-trial and then trial proper na pero ‘yung mismong araw kung kailan gagawin ‘yun ay hinihintay pa natin yung mismong kalendaryo galing sa Senado,” ayon kay Co.
Wala pang natatanggap na sagot mula kay Duterte ang prosecution panel ng Kamara.
Ayon pa kay Co, wala pang naririnig ang publiko na makabuluhang tugon hinggil sa mga alegasyong nakapaloob sa impeachment complaint.

