Sen. Robinhood "Robin" C. Padilla

Sen. Padilla ipinagtanggol deputy chief of staff niya

56 Views

IPINAGTANGGOL ni Sen. Robinhood Padilla ang kanyang deputy chief of staff sa mga insinuation na nag-uugnay sa kanya sa pag-alis ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senado sa gitna ng lockdown at pamamaril.

Ginampanan lang ni Jean Robles ang kanyang tungkulin bilang bahagi ng kanyang staff sa panahon ng insidente at itinanggi na may ginawa itong mali o labag sa batas, aniya.

“Colonel Jean Robles merely performed her official duties as part of my staff during the events that transpired inside the Senate. Any insinuation that she acted improperly or illegally is unfair, speculative, and irresponsible,” sinabi ni Padilla.

Walang pagtatangkang umiwas sa mga awtoridad at walang lawful order, local court warrant o arrest warrant na pumigil sa sinuman na umalis sa Senate premises noong mga oras na iyon, ayon sa senador.

Sinabi pa ni Padilla na ginampanan ni Robles ang kanyang tungkulin buong araw at nanatili sa Senado kasama ang iba pang mga staff member sa gitna ng tinawag niyang lockdown situation.

“Unfortunately, we were held in a lockdown situation inside the Senate premises, and some staff members stayed as part of operational and security coordination,” sinabi ni Padilla.

Bandang alas-2:30 ng madaling-araw, nakisabay sa kanya si Robles nang umalis siya sa Senado at inihatid niya ito sa condominium matapos ang mahabang oras at dahil sa pag-aalala sa kaligtasan ng staff.

Dahil sa insidente, mas nasuri ang security procedures ng Senado, ang paglabas ni Dela Rosa, at ang papel ng mga senador, staff at security personnel sa mga pangyayari sa kapulungan noong gabing iyon.

Pinabulaanan din ni Padilla ang mga pagtatangkang iugnay si Robles kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at hindi kailanman nagsilbi kay Duterte ang dating colonel.

“She served the Filipino people as an Army officer from 2002 until 2020 before later entering the Department of Foreign Affairs as a Foreign Service Officer,” sinabi ni Padilla.

Bahagi ng responsibilidad ng kanyang staff ang tiyaking maayos ang coordination, security at movement ng mga tao sa panahon ng maigting at sensitibong sitwasyon sa loob ng Senado.

Nanawagan din si Padilla sa publiko na maging responsable sa pagpapakalat ng impormasyon at iwasan ang tinawag niyang trial by publicity laban sa mga indibidwal na gumaganap lamang ng kanilang opisyal na tungkulin.

“Hindi makatarungan na husgahan agad ang mga taong gumaganap lamang ng kanilang tungkulin sa gitna ng isang pinakasensitibong sitwasyon. Hindi rin tama ang pagpapakalat ng mga pangalan at akusasyon sa social media na tila may hatol na agad kahit wala namang malinaw na paglabag sa batas,” sinabi niya.