Marianito Augustin

House Speaker Martin G. Romualdez hitik sa bunga kaya binabato

148 Views

MARAHIL totoo ang kasabihan na “kapag ang puno ay hitik sa bunga ito’y pilit na babatuhin”. Ganito ang ginagawa ngayon ng mga taong mainit kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez. Kung ano-anong patutsada ang binabato nila laban sa kaniya gayong wala naman itong masamang ginawa sa kanila.

Kung tutuusin, si Speaker Romualdez lang naman ang nakita kong pinaka-magaling at pinaka-mahusay na House Speaker sa kasaysayan ng Kongreso. Sapagkat sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay “behave” ang lahat ng mga kongresista at talagang nagta-trabaho para sa kapakanan ng taongbayan.

Hindi katulad noong araw na kaniya-kaniyang epal, palaparan ng papel, pasikatan, palakihan ng tenga o namumulitika, bolahan at bidahan. Ang gulo-gulo, tapos walang ginawa sa Floor o Plenaryo kundi ang magsigawan, kaniya-kaniyang epal agawan ng mikropono para makapag-salita.

Nagmumukha tuloy palengke noon ang Kongreso kaya hindi natin masisisi ang mamamayan kung bakit napakababa ng tingin nila sa mga kongresista. Pero ngayon ay talagang masyadong napakataas ng pagtingin ng mga Pilipino sa ating mga mambabatas dahil narin sa mahusay na pamumuno ni Speaker Romualdez.

Hindi lamang iyan, napaka-disente at marangal ang kasalukuyang House Speaker dahil hindi niya pinapatulan ang mga patutsada at pasaring laban sa kaniya. Naka-focus lang siya sa kaniyang trabaho. Kaya naman sobrang taas ng respeto ko sa taong ito dahil sa kaniyang magaling na leadership.

Sinabi mismo ni Surigao del Norte 2nd Dist. Congressman Robert Ace S. Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na napatunayan na ni Speaker Romualdez ang kalidad ng kaniyang pamumuno dahil sa mataas ng output ng Kongreso sa pagkakapasa ng mga panukalang batas sa 1st Regular Session.

OFW Party List kayod kalabaw sa pagpasok ng 2nd Regular Session ng Kongreso

SIGURADONG kayod kalabaw ang magiging trabaho ng OFW Party List Group sa pagbubukas ng 2nd Regular Session ng Kamara de Representantes sapagkat tututukan nito ang napakaraming problemang kinakaharap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon kay OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino, napaka-laki ang problemang kinakaharap ng mga manggagawang Pilipino sa abroad kaya malaki rin ang dapat punuan para sa kanilang mga pangangailangan partikular na dito ang kanilang kaligtasan o safety.

Sinabi ni Magsino na may ilang issues ang kinakailangang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan para sa kapakanan at kagalingan ng mga OFWs ay ang pagpapatibay sa Labor Protections Laws para sa proteksiyon ng mga OFWs.

Ang sabi ni Magsino kailangang lalo pang paigtingin ng gobyerno ang pagpapatupad ng mga batas para sa mga OFWs upang matiyak na napo-protektahan ang kanilang karapatang pantao, nabibigyan sila ng karapatan para sa patas na paglilitis at pagpa-panagot sa mga illegal recruiters.

Kaya sa darating na 2nd Regular Session ng Kongreso, asahan natin magiging very busy na naman ang masipag na congresswoman ng OFW Party List. Kaya mataas din ang trust rating ng Kamara ay dahil sa mga katulad ni Magsino na todo kayod para sa kapakanan ng ating mga OFWs.

Maging ang Regional Director ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Region 3 na si Atty. Falconi “Ace” V. Millar ay napakasipag din dahil sa mga programang ginagawa nito para sa kanilang ahensiya kabilang na dito ang paglulunsad ng “clean up drive” sa lalawigan ng Pampanga.

Ipinaliwanag ni Atty. Millar na layunin ng programang ito na mahikayat ang iba pang ahensiya ng pamahalaan sa Pampanga na mapanatili ang kalinisan hindi lamang sa kani-kanilang lugar. Tama nga naman, kailangan mag-set sila ng example para sila ay tularan ng iba pang sangay ng gobyerno.

Maraming proyekto ang inilulunsad ni Atty. Millar kaya very busy din ang mamang ito. Dahil ang iniisip din niya ay ang kapakan ng ating mga OFWs o Migrant workers sa pamamagitan ng iba’t-ibang proyekto.