Quimbo

House Special Committee para sa paggastos ng CIF itinutulak

Mar Rodriguez Sep 26, 2023
196 Views

ITINUTULAK ng Vice-Chairperson ng House Committee on Appropriations na si Marikina City 2nd Dist. Cong. Stella Luz A. Quimbo ang pagtatatag ng House Special Oversight Committee para magkaroon ng “transparency” kung papaano ginagamit ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan ang kanilang Confidential Intelligence Fund (CIF) at kung saan nila ginagasta ang tinaguriang “special allocations”.

Sa kaniyang sponsorship speech para sa deliberasyon ng 2024 proposed National Budget, nananawagan si Quimbo sa mga kapwa nito mambabatas sa Kamara de Representantes na suportahan ang kaniyang iminumungkahing pagtatatag ng House Special Oversight Committee.

Ipinaliwanag ni Quimbo na layunin ng kaniyang panukala na magkaroon ng transparency sa kung papaano ginagastos at saan napupunta ang kinukuwestiyon at kontrobersiyal na CIF. Sapagkat ito’y pera ng taong bayan kaya’t nararapat lamang aniya na maging bukas sa publiko ang usapin tungkol sa CIF.

Binigyang diin ni Quimbo na ang kaban ng bayan o ang pera ng mamamayang Pilipino ay dapat ginagastos para sa pagsusulong ng kaunlaran ng bansa. Kung saan, matatamo lamang aniya ang layuning ito kung magkakaroon ng “transparency” kung saan napupunta ang pondo ng gobyerno.

“Naniniwala ako na ang kaban ng bayan ay dapat ginagastos para sa pagsusulong ng kaunlaran ng bansa. This can only be achieved with a stronger push towards transparent governance,” ayon kay Quimbo.

Sa ilalim ng iminumungkahi ni Quimbo, nais ng kongresista na maging miyembro ng House Special Oversight Committee ang tatlong mambabatas mula sa hanay ng House Majority at isang kinatawan naman mula sa House Minority kasama na ang House Speaker na si Speaker Martin Gomez Romualdez.

Muling ipinaliwanag ni Quimbo na ang magiging tungkulin ng mga miyembro ng House Special Oversight Committee ay masusing busisiin at matiyak na maayos na ginagastos ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ang kanilang CIF. Kung saan, gagawa ng report ang mga Committee members.

“To elaborate, the Special Committee shall have the privilege of complete access to the reports submitted to Commission on Audit and Department of Budget and Management Joint Circular 2015-01,” paliwanag pa ni Quimbo.