Madrona

House tourism committee aprubado na panukalang pag-alis sa travel tax

Mar Rodriguez Feb 24, 2026
139 Views

INAPRUBAHAN ng House Committee on Tourism na pinamumunuan ni Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona ang panukalang batas na nagtatanggal ng travel tax para sa mga Pilipinong bumibiyahe sa labas ng bansa.

Sinabi ni Madrona na mahalagang hakbang ang ginawa ng kanyang komite upang tuluyan ng ibasura ang naturang buwis na bukod sa lipas na sa panahon pabigat pa sa mga foreign travelers.

Inaprubahan na ng Committee on Tourism ang anim na panukalang batas na naglalayong ipawalang bisa ang travel tax, kabilang dito ang House Bill No. 7443 na inihain ni House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos.

Nilinaw ng mambabatas na ang pag-aapruba sa anim na panukala ay alinsunod sa kondisyon na may malinaw at mapapanatiling alternatibong mekanismo para maprotektahan ang mga programang kasalukuyang pinopondohan ng travel tax.

Inatasan ni Madrona ang Committee Secretariat na ihanda ang ulat ng Komite kasunod ang pagsusumite ng nasabing report sa House Committee on Ways and Means at House Committee on Appropriations para sa karagdagang aksiyon.

Sa ngayon, umaabot ng P2,700 ang travel tax para sa first class passengers at P1,620 para sa mga pasahero sa economy class.