LTFRB

LTFRB nagpatawag ng konsultasyon

Jun I Legaspi Feb 24, 2026
303 Views

NAGKAROON ng konsultasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa panukalang dagdag-pasahe sa mga ride-hailing services.

“Nais naming marinig ang lahat ng panig sa diwa ng patas na proseso dahil sensitibong usapin ang dagdag-pasahe—hindi lamang para sa mga mananakay kundi para rin sa ating ekonomiya,” sabi ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II.

Binanggit ni Chairperson Mendoza na mahalaga ang pagsunod ng TNVS sector sa pagsusumite ng mga dokumento upang maging batayan sa pagdedesisyon kung makatarungan ang panukalang dagdag-pasahe.

“Umaasa kami na sila ay makasusunod dahil kung hindi, magiging komplikado para sa amin dahil kami ay aasa lamang sa sariling datos,” kanyang binigyang-diin.

Matatandaang noong Oktubre 2023 huling nagkaroon ng aprubadong dagdag-pasahe–isang P1 provisional increase–bilang kompromiso sa gitna ng epekto ng pandemya sa ekonomiya.

Mula noon, ilang petisyon para sa dagdag-pasahe ang inihain, kabilang ang tatlong pangunahing transport groups noong Oktubre 2024.

Dagdag pa ni Chairperson Mendoza, hiwa-hiwalay na pampublikong konsultasyon ang gagawin upang matiyak ang maayos at organisadong talakayan.

Sa pulong kasama ang TNVS nitong Martes, ilang kinatawan ang naglahad ng mga hinaing at kahilingan, partikular sa usapin ng komisyon at mahabang oras ng trabaho ng mga driver.

Ang susunod na pampublikong konsultasyon ay isasagawa kasama ang mga stakeholder mula sa bus, taxi, at jeepney sector.

“Lubos naming nauunawaan ang mga hinaing ng sektor ng transportasyon—kaya minamadali namin ang pagdinig upang makapaglabas ng desisyon sa lalong madaling panahon,” ani Mendoza.